MARGOT GONZALES
NANATILING ligtas pa rin ang paglalakbay sa ibat-ibang lugar sa Pilipinas ayon sa Department of Tourism sa kabila ng banta ng covid 19.
Tiniyak ng Department of Tourism o DOT sa publiko na nanatiling ligtas maglakbay sa ibat-ibang tourist spots sa bansa sa kabila na may banta ng covid 19.
Ito ang ginawang anunsyo ni Tourism Secretary Bernadette Romulo Puyat sa isang press conference ngayong papasok na ang summer at lenten season.
Ayon sa kalihim, walang dapat ipag-alala ang publiko para sa kanilang domestic travel dahil wala pa naman aniyang local transmission o kumpirmadong kaso ng covid-19 sa Pilipinas.
Aniya mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay bibiyahe at tutungo sa Boracay sa Marso a-dose.
Para naman mapromote ang local tourism ngayong summer ay maglalaan ang DOT ng 6 billion pesos na kung saan ang 421M dito ay ilalaan ng ahensya para sa paglikha ng mga campaign para sa domestic travel.
Para naman mas mahikayat ngayon ang mga local tourist na maglakbay sa ibat ibang tourist spots sa Bohol, Palawan at Boracay ay mayroon silang makukuhang discount na hanggang 70 percent mula sa mga accredited hotels sa buong Pilpinas.
Tiniyak din ng kalihim na magbibigay ng discounts ang mga airline companies tulad ng Philippine Airlines, Cebu Pacific at Air Asia para sa mas murang paglalakbay ng mga local tourists.
Hindi naman itinanggi ni Puyat na apektado ang turismo ng bansa dahil sa isinagawang travel ban sa China, Macau at Hongkong simula noong Pebrero.
Sa katunayan aniya nasa 41.4 percent ang ibinaba ng bilang ng turismo ngayong Pebrero 2020
Nasa 14.8 billion naman ang estimated foregone revenues ng DOT dahil sa pagbaba ng tourist arrivals bunsod ng travel ban.