DENNIS BLANCO
ISANG panibagong taon na naman ang kahaharapin natin ngayong 2020. May mga bagong pagsubok tayong mararanasan lalong-lalo na sa aspeto ng ekonomiya at pulitikal na pamumuhay. Subalit sa gitna ng pagsubok na ito, ay nanatili ang pag-asa at pagtitiwala ng ating mga kababayan na ang taong ito ay magiging maganda para sa kanila sa papamagitan ng mga pagpasa ng batas na nagtataguyod sa ikakaunlad ng ekonomiya. Isa na nga sa mga batas na ito na inaasahang magpapaunlad sa ating ekonomiya ay ang tinaguriang Tax Reform for Attracting Better and High Quality Opportunities (TRABAHO) Bill na kung saan ang Senate Version ay pangunahing itinataguyod ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III mismo sa pamamagitan ng Senate Bill 1906. Ito ang ikalawang pagkakataon ng reporma sa buwis na nais ipatupad ng Duterte Administration matapos ang pagsasakatuparan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Ang nasabing TRABAHO Bill ay kinapapalooban ng dalawang mahalagang sumusunod na nilalaman: 1) pagpapababa sa corporate income tax rate sa ASEAN region kasama na ang Pilipinas, at 2) rationalisasyon at modernisasyon ng mga fiscal incentives. Matatandaang ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakamalaking corporate tax rate na binabayaran sa buong mundo na tatlumpung porsiyento (30%) kung ihahambing sa iba nating karatig bansa sa Timog-Silangang Asya na kung saan ang mga kumpanya ay nagbabayad lamang ng 22.5%. (Montesa, 2018). Ang mababang corporate tax rates ay magbibigay daan sa mga negosyo na igugol ang natapyas na buwis para sa pagpapaunlad pa ng kanilang puhunan at kita na magbubunsod ng mas maraming negosyo at trabaho na kung saan ang mga small medium enterprises (SMEs). Subalit iba naman ang nakikitang epekto ng mga ibang sektor ng negosyo sa napipintuhong pagpapatibay ng TRABAHO Bill, partikular na ang mga sektor ng export processing zone industries na naniniwalang ito ay magdudulot ng kawalan ng trabaho, mababang produksiyon, pagsasara ng ibang negosyo at iba pa.
Sa usaping rationalisasyon at modernisasyon ng mga fiscal incentives, layunin ng TRABAHO Bill na pagisahin na lang ang mga ibat-ibang incentive laws sa isang dokumento na tatawaging Omnibus Investment Code kung saan nakabatay ang pagbibigay ng mga incentives batay sa Key Performance Indicators (KPIs) ng sa ganun ay mapagtibay nito ang pagbuo ng mga Strategic Investment Priorities Plan ng bawat korporasyon at lalo pang mapaigting ang corporate good governance sa pamamagitan ng bukas, responsable at matuwid na pamamahala. Subalit ang malaking isyu na dapat pagtuunan ng pansin ay ano bang mga industriya ang dapat na saklaw ng mga fiscal incentives sa papamagitan ng mga tax exemptions na ibinibigay ng gobyerno sa piling ng mga industriya lalo na’t ang mga malalaking negosyo at hindi ang malilit na negosyo ang nakikinabang dito. Sa bandang huli, malaking hamon pa rin mula sa mga mambabatas ang pagbibigay ng balanseng pagpili kung ano ang mga industriyang saklaw at di saklaw ng TRABAHO Law upang makamit nito ang dakilang layunin.