EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
KUNG ang Malakanyang ang tatanungin ay walang mass transit crisis sa Metro Manila kundi traffic crisis ang siyang binubuno ng bawat commuter araw-araw.
Taliwas ito sa tingin ng mga miyembro ng progresibong grupo sa bansa dahil ang pasakit na nararanasan ng mga sumasakay sa jeepney, tren, bus at iba pang pampasaherong sasakyan na kinakailangan magising nang maaga para makarating ng tama sa oras sa kanilang paroroonan.
Sa tingin kasi ng Palasyo, hanggat hindi paralisado ang mass transit system at nakakarating pa sa kanilang destinasyon ang publiko ay hindi maituturing na mayroong transport crisis ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo. Umani pa nga ng kritisismo ang tagapagsalita ng Palasyo dahil sa “insensitive” na pahayag nito na upang makarating sa kanilang paroroonan ang publiko ay dapat gumising lang nang maaga.
Hindi sana lalaki ang isyu kung sana may kahit kaunting simpatiya man lang si Panelo sa mga ginagawa nitong pahayag upang hindi siya buskahin ng taumbayan sa tila walang puso niyang pahayag.
Bagamat may punto naman si Panelo na sa tindi ng problema sa trapiko tanging paggising ng maaga at paglaan ng mas maagang oras na biyahe upang makatiyak na hindi ka malalate sa iyong pagpasok sa trabaho o paaralan man ay sana magkaroon man lang ng kahit kaunting konsiderasyon ito sa mga pahayag nito.
Marami sa mga magaaral natin ngayon ay gumigising ng mula alas kwatro ng madaling araw upang hindi mahuli sa alas siyete ng umaga na pasok araw-araw. Nariyan din ang mga nagtatrabaho na alas tres pa lang ay gising na upang magkaroon ng sapat na oras para pumila sa MRT, bus stop at iba pang pampublikong sasakyan.
Upang hindi umani ng kritisismo ang Malakanyang sana bago ito magpalipad ng kung anumang pahayag lalo na sa usapin na may kinalaman sa masa ay tiyakin naman nitong hind maging offensive.
Naiintindihan naman natin na may krisis naman talaga sa usapin ng trapiko pero hindi dapat magkaroon ng krisis sa pagkakaroon ng simpatiya sa kapwa natin. Mataas pa rin naman ang kumpiyansa ng taumbayan sa pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte at marami ang umaasa na kung hindi man talaga maresolba ng administrasyon ang problema sa trapiko ay masisimulan na nito na maibsan ang problema upang ang susunod na mamumuno sa bansa ay magkaroon ng tamang direksiyon para sa pagbuo ng pangmatagalang solusyon sa problema.
Isa din sa dapat tutukan ng gobyerno ang paluwagin ang mga kalsada. Bagamat sinimulan na ang pagtanggal sa mga sagabal sa kalsada ay hindi pa rin ito sapat kung sadyang maliliit ito samantala ay napakalaki naman ang bilang ng mga sasakyan na nasa kalsada.
Hindi lang ang mayayaman ang may kakayahang magkaroon ng sasakyan maging ang middle class ay kaya na rin bumili ng brand new na kotse habang marami rin ang bumibili ng second hand.
Kung sana ay mabawasan ang bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada hindi lamang ang pagpapatupad ng number coding scheme ay mainam din sana na unti-unti nang i-phase out ang mga matatagal nang modelo na sasakyan dito sa Metro Manila.
Maganda rin ang ipanukalang obligahin ang mga paaralan na magkaroon ito ng school bus imbis ihatid ng private cars ang kanilang mga estudyante. Malaking bilang din ng sasakyan ang mababawasan kung naka school bus ang mga magaaral mula grade school, high school at maging sa kolehiyo.
Mas pagandahin din ang serbisyo ng mga pampublikong sasakyan gaya ng bus at tren sa Metro Manila upang hindi ito maging impiyerno sa mga mananakay.
Sana dumating ang panahon na kapag sasakay ka sa mga pampublikong bus at tren ay maramdaman naman ang convenience dito at hindi sakripisyo.
Buhayin sana ng gobyerno ang linya ng tren mula Maynila patungong Laguna at Bicol. Sa ganitong paraan ay mababawasan din ng biyahe ang mga bus sa mga pangunahing kalsada at may alternatibong masasakyan ang ating mga kababayan na maka biyahe sa malalayong lugar na mababa ang tsansa ng disgrasiya.
Naniniwala rin ako na hindi ngayon ang panahon para magturuan ang gobyerno at mga kritiko nito. Lahat may sinasabi kaugnay sa isyu pero iilan lang naman ang mga punto sa usapin ng solusyon.
Pagkakaisa ang susi upang matuldukan ang maraming suliranin sa bansa at hindi lamang sa gobyerno naka atang ang responsibilidad. Kasama ka, kasama ako, tayong lahat may taya sa krisis na ito at tayo din ang solusyon.