CEO Yoshiyuki Sankai ng Cyberdyne, katabi ng ginawang HAL robot suit.
Ni: Maureen Simbajon
Ang utak ang nagpapadala ng senyales sa anumang bahagi ng katawan ang nais igalaw ng isang tao. Para sa mga taong may pisikal na kapansanan, kung saan ang nervous system nito ay hindi gumagana nang maayos, hindi naipapadala ng mabuti ang mga senyales na ito, dahilan sa pagkawala ng kakayahan na makakilos.
Ang ganitong uri ng kapansanan ay itinuturing na isa sa mga pinakamahirap bigyang lunas hanggang ngayon. Gayunpaman, isang rebolusyonaryong sistema ng paggamot gamit ang robotics, na naglalayong magbigay-buhay at mapabuti ang mga neuro-physical functions ng pasyente, ang nagsimulang magdulot ng malaking pagbabago sa kakayahan ng pasyenteng makagalaw ayon sa kagustuhan nito.
Ang imbensyong ito ay tinatawag na Hybrid Assistive Limb o HAL, na siyang pinakaunang cyborg-type na robot sa mundo, na tumutulong mapabuti at mapahusay ang kakayahan na maigalaw ng maayos ang katawan ng gumagamit nito.
Paggalaw ng mga paralisadong pasyente gamit ang HAL
Pinagmulan ng HAL
Ang unang prototype ng HAL ay iminungkahi ni Yoshiyuki Sankai na isang propesor sa Tsukuba University. Dahil sa pagkamangha niya sa mga robot noong siya ay nasa ikatlong grado pa lamang, nagpursige si Sankai na makagawa ng robotic suit upang masuportahan ang katawan ng isang tao. Noong 1989, matapos matanggap ang kanyang Ph.D. sa robotics, sinimulan niya ang pagpapaunlad ng HAL. Naglaan si Sankai ng tatlong taon, mula 1990 hanggang 1993, habang inisa-isa niya ang mga neuron na namamahala sa pagkilos ng paa. Inabot siya at ang kanyang team ng karagdagang apat na taon upang makagawa ng isang prototype.
Noong 2008, sinimulan ng ang pag-upa ng HAL para sa mga layuning medikal. Ang Cyberdyne ay itinatag niSankai upang maisakatuparan ang kanyang ideya na magamit ang Robot Suit HAL® para magamit sa larangan ng medisina, pangangalaga, mabibigat na gawain, libangan at iba pa.
Pagdating ng Oktubre 2012, mahigit sa 300 HAL na ang ginagamit ng halos 130 na medikal na pasilidad at mga nursing homes sa buong Japan. Ang isang HAL suit ay maaaring maupahan para sa isang buwang paggamit sa halagang US $2,000, sa Japan lamang.
Noong Pebrero 2013, ang HAL suit ay nakatanggap ng pandaigdigang sertipiko ng kaligtasan, na siyang pinakauna sa uri nito. Noong Agosto 2013, ang parehong suit ay nakatanggap ng isang EC na sertipiko, na nagpapahintulot sa paggamit nito para sa mga medikal na layunin sa Europa.
Brooks Rehabilitation sa Florida
HAL sa Amerika
Marso 2018 nang inihayag ng Brooks Rehabilitation ang pakikisosyo nito sa Cyberdyne Inc. upang ipakilala at magamit ang pinakaunang advanced robotic treatment device sa buong mundo. Ang mga indibidwal na may pinsala sa spinal cord ay maaari na ngayong magamit ang HAL na naaprubahan ng FDA, sa Brooks Cybernic Treatment Center (BCTC) sa Jacksonville, Florida. Ang Brooks Rehabilitation ay ang tanging pasilidad sa U.S. sa kasalukuyan na nag-aalok ng makabagong paraan ng panggagamot na ito.
Ayon kay Dr. Geneva Tonuzi, Medikal na Direktor ng BCTC, “Nakakita na kami ng resulta ng pinabuting kakayahan sa paglakad ng mga pasyente na may pinsala sa spinal cord sa ilang mga internasyonal na lokasyon na gumagamit ng teknolohiyang ito. Natutuwa kami na sa wakas ay magagamit na ang natatanging teknolohiyang ito dito sa Brooks Rehabilitation habang binubuksan nito ang pintuan para sa higit pang mga paraan ng pananaliksik upang mas maisulong ang paggagamot sa pinsala sa spinal cord.”
Paano Ito Gumagana
- Ang mga sensor ay nakakabit sa mas mababang mga paa ng pasyente.
- Kapag ang pasyente ay nagnanais na gumalaw, ang mga kalamnan nito ay tumatanggap ng mga nerve signals mula sa utak, at ang mga bio-electrical signals ay nasasagap sa ibabaw ng balat.
- Ang HAL ay gumagamit ng mga sensor upang masagap itong mga senyales na ito na tumutulong sa paggalaw, habang pinahuhusay din ang lakas at katatagan ng katawan.
- Ang aktibong paggamit ng mga neural pathways para sa boluntaryong pagkilos na may pisikal na katugunan sa utak ay nagdudulot ng mas mahusay na kakayahan sa pasyente na makalakad na mag-isa.
“Ang pagsusuot ng HAL ay humahantong sa pagsasanib ng tao, robot, at mga sistema ng impormasyon,” sabi ni Dr. Sankai. “Nalulugod ako na ang Cybernic Technology ay mapapakinabangan ngayon ng mga pasyente sa U.S., habang tumutulong na mapabuti ang kanilang kakayahan sa paglakad at makakuha na rin ng iba pang mga functional at physiological na benepisyo.”
Isang pasyente, na nagngangalang Maverick Moody, na naparalisa noong 2015 sa isang ATV accident, ang isa sa mga nagpapatunay kung gaano ito kaepektibo.
“Napakahusay nito, lalo na dahil ikaw mismoang kumokontrol sa robot. Sa HAL, maaari mo talagang makita ng diretso kung anong kalamnan ang pinapagalaw mo, kumpara sa ibang teknolohiya kung saan hindi mo malaman kung tama ang pagkilos na ginagawa mo.”
Ang mga pasyente na lumalahok sa panggagamot gamit ang HAL sa BCTC na kagaya ni Moody ay maaaring ibahagi ang kanilang data para sa iba pang mga klinikal na pananaliksik upang higit na masuri ang mga benepisyo ng HAL at kung paano pa ito mapapabuti sa hinaharap.