Pinas News
KAMAKAILAN lamang ay naiulat ng isang U.S. news network ng CNBC mula sa isang source na may direktang kaalaman sa intelligence report ng Amerika na nagtayo umano ng antiship cruise missiles at surface-to-air missile systems ang China sa Kagitingan, Zamora at Panganiban reefs na sakop ng ating bansa.
Kapag naging totoo ang napabalita ay nangangahulugan lamang na isa itong nakakaalarmang sitwasyon.
Hindi batid sa ating bansa na patagong nagtatag na pala ng militarisasyon at dahan-dahan nang sinakop ng China ang mga isla na nasa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ito ay dapat na hindi balewalain at bigyan ito ng seryosong pagsisiyasat at kung mapapatunayan ngang totoo, ano kaya ang dapat gawin ng bansa sa makapangyarihang China?
Ayon sa CNBC na ang YJ-12B anti-ship cruise missiles ng China ay maaaring makapag-atake ng mga barko sa loob ng 295 nautical miles habang ang HQ-9B long-range surface-to-air missiles naman nito ay maaaring makapagtarget ng mga aircraft, drones, at cruise missiles sa loob ng 160 nautical miles.
Pinangangambahan pang sa hindi magtagal ay magdadagdag ang China ng mga fighter planes sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa ganitong sitwasyon ay nararapat na magkaisa tayong mga Pilipino at tulungan natin ang ating gobyerno para maprotektahan ang sovereignty ng ating bansa.
Itabi muna ang pagkabaha-bahagi at pag-usapan ang pagresolba sa problema.
Iwasan muna nating manisi sa nakaraan o kasalukuyang administrasyo
Dahil sa mga kakulangan o hindi nagawang mga bagay upang maiwasan ang tuluyang panghihimasok ng China sa teritoryo ng ating bansa.
Pagkaisahang ipaabot natin sa China ang ating hindi pagsang-ayon sa ginagawa nilang panghihimasok o pananakop sa kabila ng namumuong magandang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.
Walang halaga ang namumuong relasyon kung hindi naman tumutupad ang China sa pangako nitong hindi sila magpapatayo ng militarisasyon sa mga naturang isla.
Kaya’t tunay na nakakaalarma ang ginagawang aksyon ng China kung mapatunayang totoo nga ang balita.
Gawin na lamang ng ating pamahalaan ang nararapat gawin na mapigilan ang China sa pananakop nito sa mga isla sa diplomatikong pamamamaraan.
Dahil hindi naman natin makakayanan kung idadaan natin sa militar na pamamamaraan dahil kung tutuusin ay wala tayo sa kaling-kingan kung ihahambing ang ating militar at mga kagamitang pandigmaan sa China. Nawa ay gabayan at tulungan tayo ng ating Amang Maykapal!