Ni: Louie Montemar
Ayon sa Pulse Asia, mula Hunyo hanggang Setyembre ng taong ito, ang limang pangunahing isyu na nasa isip ng publiko ay ang presyo ng mga bilihin, sahod ng mga manggagawa, malawak na kahirapan, pagkakaroon ng trabaho, at katiwalian sa pamahalaan.
Sumunod na limang alalahanin ang paglaban sa kriminalidad, kapayapaan sa bansa, pagsira at pang-aabuso sa kalikasan, taas ng buwis, at ang maayos na pagpapatupad sa batas.
Nasa isipan din ng publiko ang kalagayan ng mga OFWs, paglobo ng populasyon, terorismo, at ang pag-angkin ng mga banyaga sa teritoryo ng Pilipinas. Kapansin-pansing panghuli sa listahan dahil sa mas kaunti ang tumugon nito ang pagbabago sa Saligang Batas.
Batay sa impormasyong ito at ang pagdami ng bilang ng mga mambabatas na galing sa mga dinastiyang pampulitika, kakulangan ng pamahalaan sa kapital para sa mga proyektong pangkaunlaran gaya ng nasa programang Build, Build, Build, baka mas mainam na pag-isipang muli ang panukala sa pagbabago ng Konstitusyon.
Ayon sa mga datos na nilabas ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga pananaliksik ng mga espesyalista, kukulangin pa ang inaasahang kabuuang koleksiyon sa TRAIN para pondohan ang pagpapatupad sa ipinapanukalang pederal na porma ng gobyerno sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Sa pormal na panukalang bagong Konstitusyon ng House of Representatives na pinasa na sa ikalawang pagbasa, tila pinapaboran pa ang pagdami at pagpalakas sa mga pampulitikang dinastiya dahil inalis na ang limitasyon sa pagtakbo ng mga magkakapamilya at bilang ng termino.
Kung hindi naman malinaw na may makabuluhang pagbabagong dadalhin ang isang magastos na bagong Konstitusyong gawa ng mga tradisyunal na politiko at napakarami pang iba pa namang prayoridad na usapin sa isip ng pangkaraniwang mamamayan, bakit hindi na lamang unahin ng Konggreso ang paggawa ng batas at patakarang mag-aayos sa ating ekonomiya?
Malinaw na sa mga mamamayan, pangunahin ang mga usaping pang-ekonomiya. Unahin natin ang mga ito.