Ni: Ana Paula A. Canua
HINDI maiiwasan ang paglabo ng ating mga mata, nariyan ang ating pag-abuso mula sa labis na pagcocomputer at cellphone, isama pa ang katandaan at ang ating kapabayaan sa pagkain ng tama. Mapalad na ngang maituturing ang mga taong may 20-20 vision sa kabila ng unhealthy lifestyle. Ang pagpapanatili ng malinaw na paningin ay mahalaga sa pangkabuuang kalusugan ng sinuman dahil ito ang pangunahing ginagamit natin upang makapagtrabaho ng maayos at buong husay. Para sa malalabo ang mata, ang pagsuot ng corrective lens ay makatutulong upang makakita ng malinaw. May kakayahan din itong pababain ang grado ng inyong mata ngunit kadalasan imbes na mapababa ito ay tumataas pa lalo. Madalas kapag tumataas ang grado, nakararanas ng pananakit ng ulo at eyestrain, malaking pasakit na kaila-ngan tiisin ng mga may pro-blema sa paningin.
LASIK TREATMENT
Nakakabahala ang patuloy na pagtaas ng grado ng mata, lalo pa’t kung nagiging dependent na sa salamin ang inyong mga mata, kaya naman upang solusyunan ang nanlalabong paningin maaring sumailalim sa LASIK treatment, isang non- surgical eye procedure na magpapabalik sa inyong 20-20 vision. Sa Laser-Assisted in Situ Keratomileusis o Lasik, bina-balik sa tamang hugis ang inyong cornea upang luminaw muli ang inyong paningin. Tumatagal sa lima hanggang pitong minuto ang treatment sa bawat mata, ngunit ang laser exposure ng mata ay wala pang isang minuto. Sa kabuuan ang Lasik treatment ay tatagal lamang ng hanggang 20 minuto at matatamo mo na ang pinapangarap na 20-20 vision.
PAANO ITO GINAGAWA?
Papatakan ang inyong mga mata ng anesthesia, pagkatapos ay maglalagay ng lid retractors sa inyong mata upang hindi maka- kurap ang pasyente habang sumasailalim sa procedure. Gagamit naman ng suction ring upang manatili sa gitna ang inyong eyeball, ang nangyayari ang laser ang puputol at huhugis sa inyong cornea upang maibalik ito sa normal na hugis. Huwag mag-alala dahil hindi ito masakit.
BAGO ANG PROCEDURE
Sasailalim sa pre-screening at retinal screening ang pasyente upang matiyak na healthy ang inyong mata, kailangang matiyak na nasa tamang kapal ang inyong cornea.
MAGKANO ANG LASIK?
Nagkakahalaga ng P60,000 hanggang P140,000 ang Lasik kung saan maaring sumailalim ang may edad 18-anyos pataas.
GAANO KATAGAL ANG RECOVERY PERIOD NG PASYENTE
Matapos ang ilang araw o linggo maari ng makabalik sa trabaho ang pasyente gayunpaman aabot ng tatlo hanggang anim na buwan ang full-recovery ng mata hanggang sa matamo ang perfect vision. Sa simulang mga araw at linggo nangangailangan na gumamit ng sunglasses ang pasyente dahil nagiging sensitibo sa ilaw ang mata. Bukod sa droppers na kailangang ipatak araw-araw, mahigpit na pinagbabawal na kusutin ang mata.