INI-RELEASE na ng pamahalaan ang PHP16 bilyong Tertiary Education Subsidy para sa mga poor but deserving college students na enrolled sa SUCs at LUCs.
Ni: Quincy Joel Cahilig
ANG edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan. Sinasabing ito ang pinakamabuting pamana ng magulang sa mga anak. Subali’t dahil sa matinding kahirapan, gustuhin man ng maraming mga magulang na makapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak, hindi nila ito magawa.
Dahil sa kasalatan sa buhay, napipilitan ang mga anak na huminto na lamang sa pag-aaral upang makatulong sa mga magulang sa paghahanap-buhay upang mairaos ang mga pang araw-araw na mga pangangailangan ng pamilya.
Naka-angkla sa pangakong “Change is coming,” sinikap ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyang solusyon ang naturang isyu na isang malaking hadlang sa pag-asenso ng mga mahihirap at maging ng buong bansa.
Nitong 2018, sinimulang mag-invest ng pamahalaan sa edukasyon ng mga kabataan sa pag-papatupad ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) na nagtatakda ng libreng tertiary education sa buong bansa.
At inaasahang mas mararamdaman na ng milyon-milyong mga mag-aaral sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) ang benepisyo ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act 10931 dahil na-release na ng pamahalaan kamakailan ang PHP16 bilyong Tertiary Education Subsidy (TES), na isa sa mga main component ng naturang batas.
Ang TES ay ipagkakaloob sa mga mahihirap pero karapatdapat na mga estudyante sa 112 SUCs at 78 LUCs na nakalista sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development.
Ang TES beneficiaries ay makatatanggap ng P40,000 kada taon pangtustos sa kanilang mga gastusin sa eskwela tulad ng mga libro, transportation, school supplies, room and board fees at iba pa.
“Last month, we released P567 million for the stipends of 13,760 continuing Expanded Student Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGPPA) scholars. We are releasing the checks for SUCs and LUCs, so they can give the stipends of 117,133 new TES beneficiaries,” wika ni J. Prospero E. De Vera III, chairman ng Commission on Higher Education (CHED) at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).
Welcome naman para kay Senador Bam Aquino ang hakbang na ito ng Duterte administration na nagpapatunay ng commitment nito na pagandahin ang kinabukasan ng mga kabataan, na tinaguriang “Pag-asa ng Bayan.”
“I welcome the release of the said amount as it proves the administration’s commitment to implement the program under the law,” wika ni Aquino, na principal sponsor ng RA 10931.
Kaalinsabay nito ang panawagan ng mambabatas sa ilang SUCs na napaulat na naniningil pa rin ng miscellaneous at iba pang mandatory fees sa mga estudyante na itigil na ang nasabing mga koleksyon.
“Sana gawin nating New Year’s resolution ang 100 porsiyentong pagpapatupad ng libreng kolehiyo sa lahat ng state university at college. Dapat hindi na maningil ang SUC ng tuition at mandatory fees sa mga estudyante ngayong 2019,” pahayag ni Sen. Aquino.
Sinaksihan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ceremonial signing ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Commission on Higher Education at SUCs at LUCs para sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
FREE COLLEGE, MALAKING ACCOMPLISHMENT
Marso 2018 nang inilunsad ng Commission on Higher Education (CHED) ang implementing rules and regulations ng UAQTEA. Nakasaad dito na di na kailangang magbayad ang mga college students na naka-enrol sa mga SUC ng tuition, miscellaneous fees tulad ng bayad sa library, computer, laboratory, school ID, athletic, admission, development, handbook, guidance, entrance, registration, medical, dental, at cultural fees.
Naglaan ang pamahalaan ng P40 bilyon budget para sa school year 2018-19 na binubuo ng P16 billion para sa free higher education, P16 bilyon para sa tertiary education subsidy (TES) para sa mga mahihirap na mag-aaral, P7 bilyon for Technical-Vocational Education and Training (TVET), at P1 bilyon para sa Student Loan Program.
Nitong Hunyo, pumirma ang CHED at ang 112 SUCs at 78 LUCs ng memorandum of agreement sa full implementation ng naturang batas na sinaksihan ni Pangulong Duterte sa Malacañang.
Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera III hindi lamang mababago ng UAQTEA ang buhay ng mga estudyanteng nakikinabang dito kundi maging ang buong Pilipinas.
“We will not feel the impact of this now, but 10, 15, 20 years from now, the new graduates that are products of this law, will become Filipinos who are better educated, easier to employ. Ten to 20 years from now, they will be the engines of the growth and modernization of this country,” aniya.
Department of Education Secretary Leonor Briones.
K-TO-12, MATAGUMPAY
Sa kabila ng mga hamon sa pagpapatupad ng mga reporma sa sistema ng edukasyon sa bansa, nagawang mapagtagumpayan ng pamahalaan na maisagawa ang mga ito sa pangunguna ng mga ahensyang may kinalaman sa edukasyon.
Matatandaang isa ang Senior High School (SHS) o K-to-12 sa mga inihaing repormang dumaan sa matinding pagsusuri. Pero sa dalawang taong implementasyon ng SHS sa bansa, nahigitan pa nito ang mga expectation, ayon sa Department of Education (DepEd).
Batay sa report ng ahensya, pumalo sa 93 porsyento ang proportion ng mga nagtapos ng Grade 10 na nagpatuloy sa Grade 11. Mas mataas ito umano kumpara sa transition rate ng 4th -year high school graduates tungong kolehiyo, na mas mababa sa 50 porsyento sa loob ng 2016 hanggang 2018.
“Also, it seemed that the SHS program has encouraged those who dropped out to return to school. Perhaps, there was a realization that someone who finishes senior high school would have better chances of entering the university, college, and better chances of finding a job,” wika ni Education Secretary Leonor Briones.
Ipinagmalaki ng kalihim na ang mga SHS graduates, lalo na yung mga dumaan sa tech-voc at on-the-job trainings, ay pwede nang makahanap ng trabaho sa mga industriya ng business, manufacturing, at commercial pagka-graduate.
“We must understand that the economy is growing, and the demands of the industries are also increasing, so the tendency for them is to take in high school students, who have undergone training,” wika ni Briones.
Pinabulaanan din niya ang batikos ng ilan sa SHS, na umano’y tinawag na palpak na programa dahil maraming graduates ang di naman nakahanap ng trabaho dahil sa skills-jobs mismatch. Paliwanag niya, ang pangunahing layunin naman ng K-to-12 ay ang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
“It is because your assumption is every single senior high school student will have a job, which is not correct because 61 percent or 700,000 to 800,000 of our graduates plan to continue on to college,” paliwanag ni Briones.
Naniniwala ang opisyal na handa nang umarangkada ang SHS sa ikatlong taon nito dahil sapat na ang bilang ng teacher training, imprastraktura, at mga materials. Subali’t inamin niya na mangangailangan pa rin ang programa ng ibayong suporta mula sa pribadong sektor at komunidad para mas matukoy pa ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral upang makamit ang trabahong swak sa kanilang talento.