PHILIPPINE Tax Academy ay may alok na off-campus at online courses sa mga empleyado ng revenue agencies.
Ni: Jonnalyn Cortez
MAG-aalok ng off-campus course ang Philippine Tax Academy (PTA) ukol sa public finance at iba pang online courses sa taong ito, ayon sa Department of Finance (DoF).
Layunin ng specialized post-graduate course na hasain at muling sanayin ang mga kakayanan ng mga manggagawa sa gobyerno. Sinabi ni Finance Undersecretary Gil Beltran na bukas ito para sa mga tauhan ng DoF, Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at Bureau of Local Government Finance (BLGF).
Mas madali at murang pag-aaral
Kabalikat ng PTA ang Graduate School ng University of the Philippines Los Baños sa pag-aalok ng bagong programa sa pag-aaral.
Paliwanag ni Beltran, mas di hamak na mura ang off-campus course kumpara sa pag organize ng mga courses sa unibersidad na kinakailangan pang personal na puntahan ng mga empleyado.
Dagdag nito, maaaring magamit at pakinabangan ng lahat ng tauhan ng DoF at mga kaparehong ahensya sa buong bansa ang mga PTA courses.
Sinabi rin ng DoF na magiging kabilang sa teaching team ng PTA ang senior officials nito bilang adjunct professors.
Itinatag ang PTA upang gawing mas propesyonal ang mga revenue agencies.
Sa ilalim ng Republic Act 10143, kailangang pumasa ng mga pangunahing kurso ang sinomang nais na magtrabaho sa isa sa mga revenue agencies sa bansa bago ito makapasok bilang kontraktuwal o permanenteng empleyado man.
DoF Secretary Carlos Dominguez III, nais lagyan ng online courses ang bagong alok ng PTA.
Online courses
Inutusan umano ni DoF Secretary Carlos Dominguez III si Beltran upang i-record ang mga aralin at i-upload ang mga ito para sa mga online courses ng PTA upang mas magamit ng mga empleyado na nais madagdagan ang kanilang mga kaalaman at pagsasanay.
“At some point, we may have a film studio,” pahayag ni Beltran. “I want to use not only person-to-person discussions but also online courses.”
Iniutos din ni Dominguez na siguruhin ni Beltran na magiging puno ng mga “lean,” ngunit digitally enabled workforce ang PTA na gagawing available ang mga online courses kapag nakuha na nito ang kaukulang budget sa susunod na taon.
“I want a small staff, I want them to be digitally enabled,” dagdag nito.
Magsasagawa ng mga pre-requisite courses ang PTA ukol sa journal writing skills at iba pang minor courses.
Binuo ang mga programa, kurikulum at syllabus ng akademya batay sa ASEAN University Network Standards.
Nilinaw din ni Beltran na nagsumite rin ito ng three-year Strategic Information Plan sa Department of Information and Communications Technology (DICT), kabilang ang paggawa ng isang information system para sa akademya upang mangasiwa ng pagtuturo ng kaalaman.
FINANCE Undersecretary Gil Beltran, inihayag ang mga alok na off-campus courses ng PTA para sa mga tauhan ng gobyerno.
Paghahasa sa mga empleyado
Sinabi ni Dominguez na hindi lamang magbibigay ng patuloy na pagsasanay ukol sa best practices ang PTA sa mga revenue collectors at administrators sa bansa upang hasain ang kanilang competitivenees ngunit layunin din nitong patibayin ang kanilang commitment sa kanilang propesyon at palakasin ang kanilang ethical standards.
Dagdag din ni Dominguez na nagsagawa ng isang “great leap forward” ang DoF na gawing mga propesyonal ang mga revenue agencies sa pamamagitan ng paglalagay ng mga mas detalyadong impormasyon, walong taon pagkatapos itong planuhin sa ilalim ng RA 10143.
“PTA shall serve as a learning institution for tax collectors and administrators of the government and selected applicants from the private sector,” ayon sa batas.
“All existing officials and personnel of the BIR, the BoC and the BLGF shall be required to undergo the re-tooling and enhancement seminars and training programs to be conducted by the Philippine Tax Academy.”
Accreditation ng PTA
Nakakuha ng accreditation ang PTA mula sa Professional Regulation Commission (PRC) bilang isang professional development program provider.
Sinabi rin ng DoF na ang mga courses at training programs na inaalok nito ay maaaring maging credited bilang Continuing Professional Development (CPD) units para sa mga certified public accountants (CPAs).
“The training programs offered by the PTA will be submitted to the PRC for approval and accreditation,” pahayag ni Beltran.
Dagdag din nito na iniisip ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na bigyan ng lupa ang PTA sa New Clark City, kung saan iba’t-ibang mga eskwelahan ang nagbabalak na magtayo rito, tulad ng University of the Philippines, Ateneo de Manila University, Philippine Science High School, at Technological University of the Philippines.
Sinabi rin ni Beltran na tinitignan din ng PTA ang posibilidad na makipagtulungan sa Centre of Development Studies ng University of Cambridge sa United Kingdom pagkatapos ng partnership nito sa UP-Los Baños upang itaas ang pamantayan ng mga inaalok nitong kurso.
Inilunsad ang PTA noong Pebrero 2018 upang taasan ang pagiging propesyonal ng mga revenues officer ng gobyerno.