Ni: Louie C. Montemar
SA Republic Act (RA) 9513, mas kilala bilang Renewable Energy Act of 2008, na nilagdaan noong Disyembre 16, 2008, unang kinilala sa batas ang tila magandang konsepto ng net metering kung saan ang isang gumagamit ng kuryente mula sa tinatawag na distribution grid ay maaaring two-way ang koneksiyon dito. Maari siyang humigop ng kuryente mula sa grid para sa kanyang pangangailangan, o maari siyang magpasok ng kuryente dito mula sa labis na malilikha dahil sa kanyang pagkakaroon halimbawa na lamang, ng solar rooftop power generation system.
Ang ibig sabihin nito, sisingilin lamang para sa kanyang net consumption ng kuryente ang isang may kakayanan sa solar power generation at maaaring may makukuha pa rin siya para sa anumang pangkalahatang kontribusyon niya sa grid ng kuryente.
Kaugnay nito, may panukalang batas ngayon na nakasampa sa Senate Energy Committee mula kay Sen. Grace Poe, ang Senate Bill 1719. Ayon sa bill na ito, ipinapanukalang palawakin ang saklaw ng programa ng net metering (lampas sa 100kW) at dagdagan ang kompensasyon para sa anumang kontribusyon sa grid mula sa kasalukuyang halaga na nasa halos limang piso bawat kilowatt hour (P5/kWh), sa katumbas ng kabuuang tingiang halaga na P10/ kWh.
Tila maganda nga ang ganito subalit sa unang tingin lamang. Ayon sa Laban Konsyumer, isang consumer advocacy group, mas papaburan ng ganitong kalakaran ang mga malalakas gumamit ng kuryente gaya ng mga malalaking kompanya na siya namang mas may kakayanang magbayad at magpalagay nga ng mga solar rooftop at iba pang pansariling renewable energy generation systems. Lalong lalaki naman kung gayon, sa pangkalahatan, ang sisingilin mula sa mga mas maliliit at mahihirap na konsyumer.
Paano mangyayari ito? Mayroon kasing mga sinisingil mula sa lahat ng konsyumer ng kuryente, halimbawa, ang FIT-ALL at Universal Charge (UC). Pinaghahatian ng lahat ng konsyumer—ayon sa laki ng kanilang pagkonsumo ng kuryente mula sa grid—kung anuman ang kabuuang halagang kailangang bayaran. Kung mas bababa ang pagkonsumo mula sa grid ng mas malalaking konsyumer, bababa ang kanilang bahaging babayaran sa FIT-ALL at UC. At dahil ang kabuuang dapat bayarin sa UC at FIT-ALL ay hindi naman ibababa dahil mas dadami o dumami na ang solar rooftop, mas bibigat ang papasaning halaga ng mga walang renewable energy generator.
Maganda ang intensiyon ng panukala subalit may cost-shifting na mangyayari dahil sa disenyo ng mga kasalukuyang paniningil sa presyo ng kuryente ayon sa pagsusuri ng Laban Konsyumer. Pag-aralan sanang mabuti ang pagpepresyo ng kuryente kasabay ng pagrepaso sa panukalang batas dahil mas dapat na protektahan natin ang mas nakararami at maliliit na konsyumer.