PAKIKIPAGPULONG ni NYC Chair and CEO Aiza Seguerra (kanan) sa mga kabataang kabilang sa isang indigenous group
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MINSANG sinabi ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.” Mga salitang binitawan na kalakip ang malaking pag-asa na ang susunod na henerasyon ang magdadala ng bansa tungo sa mas maganda at mas maunlad na kinabukasan na inaasam ng bawa’t mamamayan.
Nguni’t matatamo pa kaya ang magandang kinabukasan kung ang ating mga kabataan ay naging pasaway na? Maaari pa kayang maipagkatiwala sa kanila ang kinabukasan ng ating bansa? Mga balidong katanungan sa ating lipunan na dulot ng pangambang kaakibat ng mga numerong nagsasaad na ang mga kabataan ngayon ang lugmok sa mga di kanais-nais na mga gawain.
Ayon sa Philippine National Police Women and Children Protection Center, umabot sa 20,584 na mga menor de edad ang sumuko sa pulisya sa mga unang bahagi ng giyera kontra droga na inilunsad ng Administrasyong Duterte. Anim na pu’t limang porsyento sa kanila o katumbas ng 13,000 ang first-time offenders, samantalang 1,595 ang repeat offenders. Mahigit 98 percent sa mga sumukong minor de edad ang aminadong drug users; 1.33 percent (273) ang umamin na drug pushers; 0.32 (66) ang mga aminadong drug couriers.
Sa isang survey naman na isinagawa ng Demographic Research & Development Foundation at ng University of the Philippines Population Institute (UPPI), lumabas maraming kabataan ngayon ang nakaranas na ng premarital sex o pakikipagtalik sa hindi nila asawa.
Sinasabi din ng naturang pag-aaral na malaki ang impluwensya ng internet at social media sa pagiging aktibo ng mga kabataan sa sex. Isa sa apat na kabataan ang nakapagpadala o tumanggap na ng sex videos sa cellphone o internet, samantalang isa sa bawat 100 na kabataang pinoy ang nakapag-record ng kaniyang sariling sex video.
“Increasing prevalence of premarital sex may mean greater acceptance of behavior among our youth than in the past,” wika ni Prof. Maria Marquez ng UPPI.
Sagot sa Pinoy Millennial Problems
Batid ng National Youth Commission, sa pangunguina ng Chairman at CEO nito na si Cariza Y. Seguerra, ang hamon ng mga nasabing isyung kinasasangkutan ng mga kabataan sa kasalukuyan.
“Hindi na lihim na ang mga kabataan ngayon, a.k.a. the millennials, ay mayroong malawak na interest. At dahil sa mabilis na paglago ng communication technology at sa social media, ay nakikita nila ang lahat ng mga bagay sa mundo, maging ang mga positibo at negatibong mga bagay na kaakibat ng unlimited information na nakukuha mula sa internet. Dahil sa pagiging curious ng mga kabataan, ilan sa kanila ay nag-eexperimento, na naghahatid sa kanila sa droga, maagang pagbubuntis, at pagkakaroon ng sexually transmitted diseases/HIV”, wika ng naturang opisyal.
Naniniwala si Seguerra, bagamat hindi mako-control ang kaisipan at damdamin ng mga kabataan, maari pa rin naman silang magabayan at maturuan ng mga magagandang asal na nakaukit sa ating kultura.
“We cannot control how others influence them but we can join the game and add something to their options. Yes, we want to reignite that sense of nationalism among the youth by exposing them to cultural values handed down from one generation of indigenous community to another,”
Isa sa mga paraan na nakikita ni Seguerra upang mahikayat ang mga kabataan na tuklasing muli ang kanilang cultural heritage ay sa pamamagitan ng mga pelikulang sumasalamin sa mayamang kasaysayan ng Pilipinas hanggang sa kasalukuyang henerasyon ng social media kung saan nagkaroon ng culture of instantaneous connectivity.
Wika niya, malaki ang magagawa ng pelikula upang maitawid sa mga kabataan ang mga moral values at maging sa pagtuklas ng mga konkreto at epektibong solusyon upang matugunan ang mga isyung kasalukuyang hinaharap ng nakababatang henerasyon.
“Sa pamamagitan ng pelikula, magkakaroon tayo ng mas magandang perspektibo kung paano ipinahahayag ng mga kabataan ngayon ang kanilang kaisipan at damdamin patungkol sa mga kasalukuyang isyu“, paliwanag ni Seguerra, na unang nakilala ng madla bilang showbiz personality na nagsimula bilang child star noong 1980s.
Dahil dito, inilunsad ng NYC, sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines, at ng National Commission on Culture and Arts ang Pista ng Pelikulang Pilipino-Sine Kabataan sa buong bansa. Naging overwhelming ang suportang natanggap ng naturang proyekto ng NYC na tumanggap ng 185 short film entries mula sa iba’t-ibang panig ng bansa. Labing-dalawang finalists ang napili at ipinalabas ang kanilang mga pelikula sa mga malalaking sinehan sa bansa.
Dagdag pa dito, patuloy na hinihikayat ng NYC ang mga kabataan na lumahok sa mga cross cultural exchange programs nito gaya ng Ship for Southeast Asian and Japanese Youth Program (SSEAYP) at iba pang mga kahilintulad na youth exchange programs na bunga ng bilateral agreements sa pagitan ng PIlipinas at ng mga bansang Korea, China, Japan, at India.
“These exchanges instill a sense of pride in being a Filipino and provides a platform for promoting the Filipino culture”, pahayag ni Seguerra.
Abot-kamay na pagtulong
Ipinababatid din ng NYC Chair laging bukas ang kanilang komisyon para sa pakikipag-ugnayan sa mga government at non-government agencies para sa mga proyektong makatutulong sa mga kabataan at patuloy silang nagsasagawa ng mga iba’t-ibang mga programa upang mas mapalawak pa ang kaalaman at kakayahan ng mga kabataan sa bansa.
“Upang mas mapahusay ang aming mga programa, inilalapit namin ang aming komisyon sa mga youth groups na nangangailangan ng mas ibayong atensyon. Sa pamamagitan ng mga serye ng forum at surveys na aming isinasagawa sa mga rehiyon ay nalalaman naming ang mga kanilang mga pangangailangan at nasisiguro namin na maipapatupad ang mga proyektong nararapat para sa kanila.”
Ang mga iba’t-ibang proyektong nabanggit ay magaganda ang mga layunin pero hindi ito magiging epektibo kung gobyerno lamang ang kikilos dahil kung iisipin nating mabuti ang mga nabanggit na isyu, masasabi na ang pagresolba suliranin ng mga millennials ay magsisimula sa loob ng pamilya. Bagama’t sinasabi natin na ang mga kabataan ang pag-asa ng ating bansa, kinakailangan pa rin nila ng patnubay ng mga mas nakatatanda—na minsan ding naranasan ang mga hamon kabataan– upang masigurong tatahakin nila ang mabuting landas tungo sa magandang kinabukasan.