Sa gitna ng umiiral na War on Drugs ng pamahalaan, pabor naman ang Duterte administration na gawing legal ang medical marijuana sa bansa.
Ni: Quincy Joel Cahilig
NAGING laman ng mga usap-usapan ang isa na namang kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumagamit siya umano ng marijuana upang mapanatili ang kanyang enerhiya sa gitna ng kanyang hectic schedule.
“It’s a killing activity and I think the… my age, ako hindi masyado kasi nagma-marijuana ako eh para magising. Sa iba, hindi na kaya,” wika ni Duterte sa kanyang talumpati sa pagbibigay parangal para sa ASEAN National Organizing Committee, na ginanap sa Malacañang kamakailan.
Nguni’t pagkatapos ng okasyon agad ipinaliwanag ng Pangulo sa media na ang kaniyang pahayag ay isa lamang biro para hindi mabagot ang audience.
“It was a joke, of course it was a joke. Pero nobody could stop me from just doing my style. Minsan sabi ninyo misogynist ako kasi magbiro ako ng ganun, that’s my style it’s too late to change. If I want to joke, I will joke,” aniya.
Sa kabila nito, marami pa rin ang nagulat, nabahala, at bumatikos sa birong ito ng Pangulo, na kilala sa kanyang mahigpit na kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot, na kinabibilangan ng marijuana.
Kasama si opposition lawmaker Gary Alejano sa mga hindi natawa sa marijuana joke ni Duterte. Aniya, “insensitive” ang mga pahayag ng Pangulo sa isang sensitibong isyu na nababalutan ng mga alegasyon ng extra judicial killings, na ibinibintang sa war on drugs ng pamahalaan.
“If you are making a joke of an issue that has cost the lives of thousands of people in your drug war, then what does that say? You also treat peoples’ lives as a joke,” sabi ni Alejano.
Sa isang banda, binuhay ng joke ng Pangulo ang usapin kung dapat na nga bang gawing legal ang marijuana sa bansa. Ayon sa Malacañang, pabor naman talaga si Pangulong Duterte sa legalization ng marijuana para gamitin na panggamot.
“Well, the President already made a statement on that prior. He said for purposes of medicine to heal, he’s in favor, but not for use other than that,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa mga kawani ng media.
“There have been researches. In fact, in some countries, marijuana is legalized. Canada. In fact, in some states in the US, it is used there. But it is controlled, regulated. The President is for that,” binigyang diin pa ni Panelo.
ANG MGA BENEPISYO NG MARIJUANA
Sa loob ng 3,000 taon, marami ang gumagamit ng marijuana, o kilala din sa tawag na cannabis, para sa iba’t-ibang health purposes. Ayon sa medical information website na WebMD, ginagamit ang naturang halaman para makatulong sa pag-relax at bilang pain reliever. Nakakatulong din umano ito na mabawasan ang pagkahilo ng mga pasyenteng sumasailalim sa chemotherapy.
Base sa isang global drug report ng United Nations noong 2012, tinukoy ang marijuana bilang “world’s most widely produced, trafficked, and consumed drug in the world in 2010.” Bagama’t illegal sa maraming bansa, umaabot umano sa 224 milyong adults (18 taong gulang pataas) ang gumagamit nito.
Subali’t hindi pa rin inaaprubahan ng U.S. Food and Drug Administration ang paggamit ng marijuana plant para sa health treatment kahit na legal ito sa 33 states.
Pinapayagan naman ng FDA ang paggamit ng substance mula sa halaman na cannabinoids bilang gamot sa seizures sa mga pasyenteng may matinding epilepsy, at treatment para sa loss of appetite and weight ng mga AIDS patients.
Isabela Representative Rodito Albano
Dahil sa mga health benefits ng tamang paggamit ng marijuana, isinusulong ni Isabela representative Rodito Albano ang pag-legalize ng medicinal use ng cannabis sa bansa sa kanyang House Bill 6517 o Act Providing Filipinos Right of Access to Medical Marijuana.
Para sa naturang mambabatas, “long overdue” na ang pagpasa ng naturang panukala na malaki umano ang maitutulong para sa mga pasyenteng may malubhang karamdaman tulad ng cancer. Kaya nananawagan siya sa kaniyang mga kapwa mambabatas at sa publiko na buksan ang kaisipan para sa naturang hakbang.
“Thousands of patients in the country are suffering from serious and debilitating diseases and they need this. We don’t have to put them in jeopardy,” sabi ni Albano.
Aniya pa, tinitiyak din sa kanyang panukalang batas ang mahigpit na control provisions para maiwasan ang pang-aabuso sa cannabis sa pamamagitan ng pagtatatag ng Medical Cannabis Regulatory Authority na tutukoy kung sino-sinong mga pasyente ang nangangailangan ng naturang paraan ng treatment.
Senate President Vicente Sotto III
PANUKALA NI ALBANO, DEHADO?
Bagama’t maganda ang layunin ng house bill ni Albano, mariing tinututulan naman ito ng Technical Working Group on Medical Cannabis Legalization at faculty members ng University of the Philippines Manila dahil maaari nitong maisapanganib ang kalusugan ng publiko.
Kinikilala ng grupo ang medicinal properties ng marijuana, nguni’t di ito sang-ayon sa pagtatatag ng Medical Cannabis Study Group na nakasaad sa panukala. Dapat na ang Dangerous Drugs Board umano ang magre-regulate ng medical cannabis alinsunod sa batas, at upang matiyak na maiiwasan ang paglusot ng paggamit ng marijuana sa maling paraan.
Samantala, “dead in the water” para kay Senate President at dating Dangerous Drugs Board head Vicente Sotto III ang panukalang gawing legal ang cannabis dahil labag ito sa UN treaty.