Ni: Dennis Blanco
ANG human trafficking ay itinuturing na modern day slavery, isang ugnayan na kung saan may umaalipin at may inaalipin, na kung saan ang isang nilalang na mahirap at may malaking utang ay pinupuwersa na maging alipin ng kanilang amo o ng taong pinagkakautangan nito.
Sa isang sitwasyon na kung saan ang biktima ay nagiging alipin at bilanggo, marami itong iniiwan na pilat at sugat hindi lamang sa pisikal na katawan kung hindi lalong-lalo na sa sugatang puso at kaluluwa ng taong nakakaranas nito. Kaya’t mahalaga na sugpuin ang human trafficking para mapalaya ang mga bikitima nito sa gapos ng pagkaalipin at ng sa gayo’y muling makapagsimula ng magandang buhay.
Ayon sa Article 3, paragraph (a) ng United Nations Protocol to Prevent, Suppress and Punish Trafficking of Persons, Especially Women and Children, na binanggit ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC), ang human trafficking ay ang “pagkuha, paglakbay, paglipat, pagkupkop o pagtanggap ng tao sa pamamagitan ng pagbabanta, o paggamit ng dahas, alinmang paraan ng pamimilit, pagdakip, pandaraya, panlilinlang, pang-aabuso sa kapangyarihan. Ito rin ay pagbibigay o pagtanggap ng bayad o benepisyo para makuha ng isang taong may kontrol ang pahintulot ng taong nasa kontrol nito para maisakatuparan ang layuning pagsamantalahan ito (UNODC, 2014).
Dahil dito ay umusbong ang dalawang mahusay na istratehiya kung paano masusugpo ang human trafficking — ang law enforcement centered approach at human rights centered approach.
Ang law enforcement centered approach ay nakatuon sa pag-aresto at pagkulong sa mga human traffickers. Binibigyang pansin nito ang mga kaparaanan sa paggawa, pagpapatibay at pagpapatupad ng mga programa, proyeko at batas para mahuli, maparusahan at makulong ang mga human traffickers. Inaako nito ang isang public-policy oriented na approach para labanan ang human trafficking sa pamamagitan ng pagtulong ng mga institusyon tulad ng pamahalaang nasyonal at lokal, lipunang sibil, kapulisan at militar, ganun na rin ang mga pamayanan at reporma sa mga batas sa aspeto ng law enforcement, policing at criminal justice system.
Samantalang ang human rights centered approach naman ay naka pokus sa pangangailangan at kapakanan ng mga biktima ng human trafficking. Ang pangunahin nitong layunin ay pagtatangol sa karapatang pantao ng biktima, at ang pagtaguyod ng kanilang mabuting kalagayan. Binibigyang diin nito ang recovery, rehabilitation at integration ng biktima upang makapagsimula muli at mapagtagumpayan ang bangungot ng kaniyang nakaraan.
Ayon kay Mishra (2013), ang human rights centered approach ay, “naniniwala na ang human trafficking ay masidhing paglabag ng karapatang pantao at ang biktima ang dapat na bigyan ng mas nararapat na proteksiyon. Ang konsentrasyon nito ay hinggil sa pagligtas at pagpapagaling ng biktima na wala gaanong kinalaman sa prosecution.”
Samakatuwid, malaking hamon ang pagsugpo sa human trafficking ng mga stakeholder institutions tulad ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, lipunang sibil, ng mga pamayanan at mamamayan na magsasama-sama na pawiin ang human trafficking para sa kaligtasan at katubusan ng sangkatauhan upang makapagtaguyod ng isang lipunan na malaya, makatao at marangal. Sa pamamagitan ng sama-samang pagmamatyag at pagkilos ng mga institusyong panlipunan ay kaya nating lutasin ang hamon ng human trafficking.
Sanggunian:
Mishra, Veerendra. 2013. Human trafficking: The stakeholder’s perspective. New Delhi, India: Sage Publication India Private Limited.
UNODC. 2014. Global Report on Trafficking in Persons. New York: NY.http://www.ungift.org/doc/knowledgehub/resourcecentre/2014/GLOTIP_2014_full_report.pdf accessed on 12 August 2015.