Ni: Assoc. Prof. Louie C. Montemar
Alam naman nating hindi ang mahabang pilahan para makakuha lamang ng UPCAT at ang hirap ng UP entrance exams na iyan ang tunay na hamon sa mga nais makapasok sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) kundi ang mga gastusin sa edukasyon.
Noong dekada ‘80 at ‘90, nagpahayag ang mga sumusuporta sa tinatawag na socialized tuition fee scheme sa UP-Diliman na mas mainam na magamit ang limitadong badyet ng UP upang suportahan ang mga talagang mas nangangailangan nito. Sa gayong socialized scheme kasi, mas maliit o walang babayarang tuition fee ang mga mag-aaral mula sa pamilyang mas maliit ang taunang kita.
Halos tatlong dekada na ang lumipas nang unang ipatupad ang fee socialization sa UP system, nakita ba natin ang UP na sumuporta nga ng higit sa mga mahihirap? Hindi. Tila mas dumami pa ang bilang ng mga galing sa maykayang pamilya sa UP habang patuloy ngang tumaas pa ang mga bayarin sa pangunahing pamantasan ng bansa.
Tiyak tayong ‘di dahil lamang sa hindi makapasa sa UPCAT ang mga mahihirap kaya maraming may kaya roon. Patunay sa bagay na ito ang napakarami nang mga dating kapos na nagtapos sa UP. Marami lamang talagang iba pang dahilan kung bakit hindi pumapasok sa UP ang mga mula sa laylayan ng lipunan, wika nga. Ang tuition fee at iba pang kaugnay na bayarin ang pinakamatinding balakid pa rin para sa mga kinakapos na mag-aaral. Sadyang hindi ito sapat na natutugunan ng isang socialized tuition fee scheme.
Makikita rin ito sa naging karanasan ng Philippine Normal University (PNU) o and dating Philippine Normal College. Dati, libre ang edukasyon ng lahat ng mga estudyante nito—hanggang noong mga ‘60s o ‘70s. Dati walang binbayarang school fees ang lahat ng nasa PNU, gaya sa UP. Isa pa, libre na nga ang tuition, may allowances pa para sa mag-aaral para sa pang-araw-araw na gastusin at pambili ng mga aklat. Bukod pa rito, pagkatapos sa PNU, tiyak ang pagkatalaga ng mag-aaral sa kagawaran ng edukasyon para magturo sa mga pampublikong paaralan. Bunsod nito, napakatindi ng kompetisyon noon para makapasok sa PNU. Salik ito sa mataas na kalidad ng edukasyon noon para sa mga nagiging guro.
Nang maglaon, nagsimulang mangolekta na rin ng matrikula sa PNU. Nawala ang allowances ng mga iskolar. Nang tumagal pa, tila sumunod na ito sa “pangunguna” ng UP na mag-socialized tuition scheme. Ang epekto: lalong naging balakid sa mga mahihirap ang mga bayarin sa PNU. Kalaunan, iilan na lamang ang naging katulad ng mga dating iskolar at bumaba pa nga ang kalidad ng edukasyon kung pagbabatayan ang bilang ng mga passers sa licensure exams for teachers (LET)at ang feedback mula sa publiko.
Sa ganang ito, dapat bantayan kung paano talaga ipatutupad pa ang bagong batas sa libreng edukasyon para sa mga pampublikong pamantasan. Kasisimula pa lamang ipatupad ang batas at marami pang dapat kinisin sa naturang patakaran.
Ituloy natin ito. Magandang pamumuhunan sa kinabukasan ng bayan ang libreng edukasyon.