Ni: Shane Asidao
Author’s Block isa sa mga kalaban ng manunulat. Isa itong pagbagal sa ‘creativity’ o ideya ng isang manunulat. Tumatagal ito ng ilang araw, linggo at minsan, mga ilang buwan. Mahirap itong maranasan lalo na kung mayroong hinahabol na ‘deadline’.
Ayon sa University of Illinois at Urbana-Champaign, nagmumula ito sa hindi mapaliwanag na emosyon. May ilang pag-aaral naman na inihahalintulad ang ‘writer’ o ‘author’s block’ sa depresyon. Marahil na rin sa kawalang gana sa pagsusulat, hindi maka-isip ng bagong ideya o kaya naman, pagkawala ng mga salita.
Sa kabilang banda, mayroon namang hakbang upang malabanan ito at bumalik muli sa tono ng pagsusulat. Kasama na rito ang pagpapahinga, o pagbawi ng tulog para maging maayos ang daloy ng ‘oxygen’ sa iyong utak.
Ilan rin sa ginagawa ng mga manunulat ang pagtigil muna sa pag-iisip at gumawa ng sariling ‘recreational activities’ gaya ng pagpunta sa mga museyo, parke, o beach kasama ang pamilya at mga kaibigan upang mabuhay ang emosyon at maging inspirado sa susunod na isusulat.
Minsan, kailangan ding magpakalunod sa pagbabasa upang makakuha ng bagong ideya at matulungan na magkapag-isip muli ng susulatin at mga bagong salita.
Panghuli, huwag kalimutan ang mag-ehersisyo, uminom ng maraming tubig at panatilihing payapa, malinis at maayos ang lugar kung saan ka nagsusulat.