IGINIIT ni Sen. Leila de Lima na hindi fake news ang isyung nakasama sa budget law ng US ban sa mga opisyal ng Pilipinas na nagpakulong sa kaniya dahil sa alegasyong may kinalaman siya sa transaksyon ng iligal na droga.
Sinabi ni De Lima na ang talagang nagkamali ay ang naglabas ng impormasyon na nagsasabing hindi totoo ang resolusyon ng US Congress.
Ayon kay De Lima, hindi magkatulad ang Budget Bill sa Pilipinas at ang sa America.
Paliwanag ng senadora na nakabase ang US Appropriations Bill sa Omnibus Bill, kung saan nakatala ang State and Foreign Operations Appropriations (SFOPS).
Nagbigay pa ng step-by-step na paraan ang senadora para makita ng mga nagsusuri kung paano naisama sa Appropriations Law ng America ang naturang kontrobersyal na probisyon.
Ban ng US sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas, kinumpirma ng Malakanyang
Kinumpirma ng Malacañang na totoo ang entry ban laban sa mga Filipino officials na nakapaloob sa nilagdaang 2020 National Budget ni US Pres. Donald Trump.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mismong si Philippine Ambassador Babes Romualdez ang nagkumpirma sa nasabing US ban sa ilang mga opisyal ng gobyerno na nagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.
Sinabi ni US Sen. Patrick Leahy na kung hindi mapapalaya agad si Sen. De Lima ay dapat bigyan ng fair and public trial ito.
Aniya, ito ang dapat maging hakbang ng gobyernong Duterte kaysa obligahin na kumuha ng visa ang mga Kano na bibisita sa Pilipinas.