CRESILYN CATARONG
BALEWALA kay US President Donald Trump ang hakbang ng Pilipinas na putulin ang Visiting Forces Agreement o VFA.
Sa halip ay nagpasalamat pa si Trump sa desisyon dahil mas makatitipid aniya ng malaking pera ang Amerika.
Sa kabila naman ng pagbasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa VFA, sinabi ni Trump na nananatiling maganda ang relasyon nila ng pangulo.
Kaugnay nito, tinawag namang ‘unfortunate’ ni US Defense Secretary Mark Esper ang pasya ng Pilipinas.
Para naman kay US State Assistant Secretary Clarke Cooper, malalagay sa alanganin ang mga aktibidad gaya ng joint military exercises at bilateral engagements ng Pilipinas at Amerika kung wala ang VFA.
Kaugnay nito, iginagalang naman ng Palasyo ang naging tugon ni US Pres. Trump sa naging desisyon ng Pangulong Duterte na iterminate ang VFA.
Nakatakdang joint military exercises ng Pilipinas at Amerika, dapat pa ring matuloy
Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na tuloy pa rin ang mga nakatakdang military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito ay kahit nagpadala na ng Notice of Termination ang gobyerno ng Pilipinas sa Amerika kaugnay ng VFA.
Ayon kay Lorenzana, may 180 araw pa ang dalawang bansa bago tuluyang mabasura ang nasabing kasunduan kaya hindi maapektuhan ang mga nakatakdang aktibidad.
Pero may opsyon anya ang US na kanselahin ang military exercises bago pa magtapos ang 180 araw.
Sinabi pa ni Lorenzana na kapag natapos na ang VFA ay hindi na sila magsasagawa pa ng pagsasanay sa mga sundalong Amerikano.