NI: Jonnalyn Cortez
MANANATILING coach ng University of Santo Tomas Growling Tigers si Aldin Ayo matapos itong pumirma ng panibagong tatlong-taong kontrata.
Ayon sa opisyal na pahayagan ng naturang unibersidad, magiging coach ng koponan si Ayo hanggang sa 2023.
Dati nang sinabi ni Ayo na hindi nito iiwan ang kanyang team. Ngayon, opisyal na ang lahat.
“In principle, I will stay at UST for a long time. The contract is just a formality, just to stop all the rumors,” paliwanag nito. “We’re going to do our best to be the best version of ourselves, to be ready for next season.”
Naging head coach ng Growling Tigers si Ayo noong 2018. Simula noon, agad niyang binago ang kapalaran ng buong grupo. Mula sa isang pagkakapanalo sa UAAP sa ilalim ni Boy Sablan noong Season 80, nakapagtala na ito ng 5-9 na panalo mula ng hawakan ni Ayo.
Itinuturing si Ayo na isa sa pinakamagagaling na local coach sa mga unibersidad. Nagagawa nitong ipanalo ang mga koponan na kanyang hinawakan. Sa loob ng limang taon, nagawa na nitong makaabot sa finals ng apat na beses sa dalawang pinakaprestihiyosong leagues sa bansa, ang NCAA at UUAP. Nakamit na rin ng mga team niyang hinawakan ang championship sa bawat liga.