Si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
ANG kalusugan ay kayamanan”, wika nga ng kasabihan. Sa estado ng pangangatawan nakasalalay ang pagiging produktibo ng isang indibidwal kaya nararapat lamang ito na pangalagaan at ingatan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, ehersisyo, at pagpapagamot sa doktor kung mayroong karamdaman.
Subalit isa sa mga seryosong isyung nagpapatuloy sa bansa sa loob ng mahabang panahon ay ang kakulangan ng access sa healthcare system o serbisyong pangkalusugan ng maraming Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.
Inilarawan ng World Health Organization ang Filipino Healthcare System na “fragmented” o hindi pantay-pantay dahil ang may kakayahang makakuha ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa bansa ay ang mga mayayayaman. Marami sa mga mahihirap ang tinitiis na lang ang sakit o di kaya dinadaan na lang sa pag-inom ng pain reliever ang iniindang karamdaman kaysa sumangguni sa ekspeto dahil sa takot sa malaking gastusin ng pagpapagamot.
Ayon naman sa pag-aaral ng non-government organization na Third World Health Aid, 8 sa 10 Pilipino ang hindi naranasang magpakunsulta sa doktor. At bagaman mayroong umiiral na subsidized social health insurance sa bansa, marami pa rin ang hirap makapagpagamot.
“A highly subsidized social health insurance alone cannot achieve universal access to health services if other health system aspects, such as financially unaffordable health services and insufficient availability of health workers, simultaneously undermine health outcomes,” nakasaad sa report ng Third World Health Aid noong 2016.
Batid ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya naman nais niyang resolbahin ang naturang problema sa pamamagitan ng iba’t-ibang proyekto.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), ipinahayag niya na isang prayoridad na isininusulong ng kanyang administrasyon ang mas palawigin at pagandahin ng healthcare system sa bansa tungo sa kaginhawahan ng bawa’t Pilipino.
“Much needs to be done to improve our healthcare system, which remains highly fragmented, resulting in disparity in health outcomes between the rich and the poor in the urban areas and rural. While investments in health have increased over the years, several policy and operational bottlenecks have constrained universal health care for this country,” wika ng Pangulo sa kanyang SONA sa Batasang Pambansa.
Binanggit ng Pangulo na bukod sa pagpapalawak ng serbisyo ng PhilHealth, isininusulong na aniya ng gobyerno ang pagpapatupad ng “No Balance Biling” policy sa mga pagamutan, at ang pagtugon sa kakulangan ng mga health workers sa bansa sa pamamagitan ng National Health Workforce Support System.
“These will ensure that every Filipino family gets the appropriate, affordable, and quality health services in appropriate facilities and will be protected from financial burden due to sickness,” aniya.
Bukod dito, binigyan din ng Duterte Administration ng malaking alokasyon mula sa PHP3.737 trilyon 2019 budget ang Department of Health, na nagkakahalaga ng PHP141.4 bilyon, para masiguro ang pagpapatuloy at pagsasagawa ng iba’t-ibang programang pangkalusugan at matugunan ang iba pang pangangailangan ng ahensya para sa mas epektibong serbisyo.
Si Pangulong Rodrigo Duterte kasama sina Senador, Joseph Victor Ejercito, Special Assistant to the President Bong Go, at mga opisyal ng Philippine Public Health Association sa 85th National Convention ng PPHA sa Grand Regal Hotel sa Lungsod ng Davao.
Universal Health Coverage Bill certified as “urgent”
Itinuturing din na mahalagang hakbang ang pagsertipika ni Pangulong Duterte sa Universal Health Coverage bill bilang “urgent”, na magpapabilis ang apruba nito sa Senado upang maipatupad ito sa lalong madaling panahon upang mabigyan ng libreng hospital coverage at gamot ang lahat ng Pilipino.
“What we have is a hybrid universal healthcare, where PhilHealth will be renamed as Philippine Health Security Corp., giving out medical insurance. The government will also shoulder expenses to provide free medicine,” paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Pinuri naman ni Senador JV Ejercito, na namumuno sa Senate Committee on Health and demography, ang hakbang ng Pangulo, at sinigurong pabibilisin ang pag-apruba ng naturang panukala sa Senado, dahil aniya napapanahon ang pagkakaroon ng ayuda sa serbisyo at tulong pangkalusugan para sa mga Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin.
“We know that health care is a major component of our people’s expenditure,” Ejercito said, adding that 54.2 percent of health expenditures in 2016 were shouldered by Filipinos while government’s share comprised only 34.2 percent of the total expense. With the prices of fuel, transportation and basic goods skyrocketing, the passage of this bill will mean a lot to Filipino families in terms of improving their quality of life,” wika ni Ejercito.
Dagdag pa niya, awtomatikong masasali sa PhilHealth ang bawa’t Pinoy kapag naisabatas ang panukala, bagay na makakatulong ng malaki sa mga mahihirap at yaong mga nasa malalayong mga pamayanan.
“I view universal health care as integral to our anti-poverty drive. Ensuring good health for Filipinos is crucial to economic development because ensuring the well-being of all Filipinos means that they can be more productive, which further means they can better overcome poverty,” sabi ng senador.
Malasakit Centers takbuhan ng maralita
Samantala, inanunsyo ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga Malasakit Centers sa mga ospital sa Kalakhang Maynila, na magsisilbing “one-stop shops” kung saan makakakuha ang mga mahihirap na pasyente ng tulong sa kanilang pagpapagamot.
Ang naturang proyekto ay pagututulungan ng Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Kamakailan nga ay pinirmahan na ng mga ahensya sangkot ang isang a Joint Administrative Order (JAO) para pagaanin ang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento para sa medical assistance at treatments sa mga ospital sa Metro Manila.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, sa ilalim ng JAO, sasagutin ng PhilHeath ang medical costs sa pamamagitan ng case rates, samantalang ang PCSO ang papasan sa medical assistance para sa maralitang pasyente at non-medical help ang sasagutin ng DSWD.
“People will be able to feel that indeed the government is responsive and government agencies are sensitive to the needs of our people, especially those who are marginalized. The President is very persistent with the policy of bringing government closer to our people,” ani Duque.
Sisimulan ang Malasakit Center sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sa Tayuman, Manila na susundan sa iba’t-ibang pampublikong ospital sa Metro Manila sa mga darating na araw.
“Tatakbo ka sa PCSO, pupunta ka sa DSWD for other sources. Kailangan mo pa magbantay sa pasyente, maghanap ng dugo, gamot, at iba pang pangangailangan. Ngayon kami na po ang maghahanap,” wika ni Dr. Emmanuel Montaña, chief ng JRMMC.
Samantala, nakapagtayo na din ang pamahalaan ng Malasakit Centers sa Visayas region, sa mga sumusunod na ospital Vicente Sotto Memorial Medical Center, Saint Anthony Mother and Child Hospital, Talisay District Hospital, Eversley Child Hospital, at Gallares Hospital.
Maraming Pinoy ang umaasa sa tuluyang pagsasakatuparan ng mga nasabing panukala kung saan ang buong bansa din ang makikinabang, sapagka’t ang malusog na mamamayan ay kayamanan ng ating bayan sa pagkamit ng mas maginhawang kinabukasan.