Makikita sa larawan ang pag-uusap ng dalawang magkasintahan sa pamamagitan ng social media na nakakatulong sa kanilang long distance relationship.
Vick Aquino Tanes
ALAM ninyo bang nakakahasa raw ng kaisipan at kalusugan ang responsableng paggamit ng social media at teknolohiya, ayon sa mga eksperto.
Ayon kay Dr. Bernard B. Argamosa, psychiatrist ng Department of Health-National Center for Mental Health, kung responsable lamang sa paggamit ng teknolohiya ay walang mangyayari dahil malaki ang naitutulong nito para sa lahat.
Dagdag pa nito, hindi lamang ang mga kabataan ang naaapektuhan ng maling paggamit ng social media kundi maging ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakararanas ng depresyon.
“Ang technology ay nandiyan na, wala na tayong magagawa diyan. Kailangan lang ay gamitin ito ng responsable. Katulad sa paaralan na kung saan ay marami na ang nabu-bully at ginagamit pa ang social media para ipaalam sa madla ang kanilang ginawa,” paliwanag ni Argamosa.
“Maniwala kayo sa hindi, mayroon kaming nakikitang umuuwi na. Nasa 20 hanggang 30 OFW kada buwan mula pa sa Saudi Arabia o sa Middle East ang nakararanas ng psychotic symptoms na lubos na nakakaalarma,” dagdag pa nito.
Ang social media ay nakatutulong sa mga OFW na magkaroon ng komunikasyon sa kanilang mga pamilya.
“Basta may libreng internet lang may communication na pero saan nagkakaproblema? Kapag umuwi sila dito, kakain ang pamilya nang sabay-sabay pero hindi na sila nag-uusap kasi kaharap ang kaniya-kaniyang telepono, ayun ang negatibong epekto ng social media,” ayon sa doktor.
Base sa pag-aaral, nagkakaroon ng negative effect ang social media kapag hindi na nag-uusap ang mag-anak at nakatuon lahat sa kanilang hawak na cellphone, iyon ang nakasisira ng pamilya at social bonding na sana ay maiwasan.
Samantala, ayon kay Cel Gonzales, quality control director ng One Algon Place, isang rehabilitation center para sa may drug and alcohol addiction, nakakaapekto ang teknolohiya sa mga laro na nagiging addict dito ang isang manlalaro na naaapektuhan na ang kanyang mental health.
Naka-focus na umano ang mga kabataan ngayon sa paglalaro ng games na tulad ng mobile legends, clash of clans at iba pa na halos pinagpupuyatan na at maging ang kanilang oras para sa sarili at pamilya ay napapabayaan na.