Ni: Vick Tanes
Alam n’yo ba na ang puso ang pinakamahalagang organ sa katawan ng tao. Kung walang puso, wala nang buhay, kaya dapat na mapangalagaan ang puso.
Ang puso ang nagpapaikot ng dugo sa buong katawan upang mabigyan ng tuloy-tuloy na suplay ng oxygen ang bawat bahagi ng katawan.
Laging tatandaan na kung tumigil ito sa pagtibok, tiyak ang agad na kamatayan. Dahil dito, marapat lamang na mapangalagaan at mapanatiling malakas at masigla ang puso.
Isa sa mahuhusay na paraan ng pangangalaga sa kalusugan ng puso ay ang pagpili at pagkontrol sa mga kinakain.
Narito ang ilang tips para mapangalagaan ang puso upang hindi na muling masaktan.
Bawasan ang pagkain ng maaalat. Ang dami ng sodium sa mga kinakain ay hindi dapat lumampas sa 3,000 mg sa bawat araw.
Iwas sa fats. Ang kabuuang dami ng taba o fats sa mga kinakain ay hindi dapat lumampas sa 30 porsyento ng kabuuang calories sa bawat araw.
Ang saturated fat mula sa mga matabang karne at mga malangis na pagkain ay hindi dapat lumampas sa 10 porsyento ng kabuuang calories sa bawat araw.
Ang polyunsaturated fat mula sa mga isda at mani ay hindi dapat lumampas sa 10 porsyento ng kabuuang calories sa bawat araw.
Ingat sa cholesterol. Ang dami ng cholesterol mula sa mga kinakain ay hindi dapat lumampas sa 300 mg sa bawat araw.
Bawas sa carbo. Ang carbohydrates, partikular ang mga complex carbohydrates, ay dapat bumuo sa 50 porsyento ng kabuuang calories sa bawat araw. Ang nalalabing porsyento sa kabuuang calories na kailangan sa bawat araw ay dapat manggaling sa protina.
Ang kabuuang dami ng calories na dapat i-konsumo sa bawat araw ay nakadepende sa bigat ng bawat indibidwal.
Limitahan ang bisyo. Ang pagkonsumo ng alak sa isa hanggang dalawang onsa lamang sa bawat araw. Bawasan kung maaari ay tanggalin ang paninigarilyo.
Piliin ang nararapat na pagkain. Ang nutrisyon sa araw-araw ay dapat magmula sa iba’t ibang pagkain na kailangan ng katawan upang lumakas.