Ni: Wally Peralta
MAGKAHALONG tuwa at excitement ang nararamdam ngayon ng Primetime Drama King na si Dennis Trillo dahil sa bago niyang teleserye sa Siete, ang Abel at Cain kung saan ay kasama niya sina Dingdong Dantes, Solenn Huessaff at Sanya Lopez. Bukod sa ganda ng istorya ay tinuturing ng Kapuso Network na ang pinakahuling teleseryeng ginawa nina Dennis at Dingdong ang siyang pinakamalaki at pinaghandaang teleserye para sa 2018.
Ang isa pa sa ikinatutuwa nang labis ni Dennis ay ang pagtapat nila sa undefeated show ng ABS CBN sa Primetime, ang Ang Probinsyano ni Coco Martin. Halos ilan na rin ang programang ginawa ng Siete na natapos na lang ang airing ay hindi man lang naka-obra sa Ang Probinsyano lalo na pagdating sa rating game.
Ang Katapat
“Hindi ito first time para saken at kay Dingdong na matapatan yung show, pinangunahan ko ang Enkantadia ako at si Dingdong naman sa Alyas Robinhood.”
“Noong umpisa, hindi naman namin alam kung saang timeslot kami ilalagay! Sa ganoong pag-iisip namin, talagang pinilit namin na makapag-produce ng quality program na kahit saan timeslot pa kami ilagay, kahit anong itapat na show, e, tatayo at lalaban kami,” sabi ni Dennis
Pressure
At ngayon nga na labanan ng mga higante ang kanilang mga teleserye, may nararamdaman bang pressure si Dennis sa itinatakbo ng kanilang programa ni Dingdong laban sa katapat na show, lalo na pagdating sa ratings game? Na malalaman din ang magiging resulta nito habang tumatagal ang takbo ng airing ng pagtatapat ng 2 shows?
“Meron, andun lang yun! Pero hindi naman ginagamit yung pressure na ‘yon para sa ratings ng aming programa. Ginagamit namin yun para mas pagbutihan yung work namin. Iniisip na lang namin na kailangang marami kaming mapasayang mga manonood,” aniya.
Lumipat na direktor
Ang isa sa pinanlaban ng Ang Probinsyano ay ang mga matitinding action scenes nito na idinerehe ni direk Toto Natividad. Isa ngayon sa director ng Abel at Cain si direk Toto bukod kina Mark Reyes at Don Michael Perez. Lumipat si direk Toto sa bakuran ng Kapuso at nagresign bilang director ng teleserye ni Coco. Sa ganitong sitwasyon mabibigyan ng malaking laban ng teleserye nina Dennis at Dingdong ang katapat nilang programa pagdating sa action scenes.
May kumpiyansa ba si Dennis na ang Cain at Abel ay siguradong lalaban sa larangan ng action?
“Action, drama, ayoko po siyang i-label na isang genre lang. Isa pa, pag seryeng kasama si Dingdong Dantes, tiyak nasobrang espesyal ung show. At yung ang pagsasama namin sa iisang teleserye ulit, magiging collaboration naming dalawa,” aniya.
“Bawat eksena rito, mapa-drama man or action, talagang intense namin na binubuo,” dagdag pa ni Dennis.
High expectations
Ngayon, bakbakan na ang dalawang higanteng teleserye ng dalawang malaking istasyon. Umaasa ba ang kampo ni Dennis na sa pagtatapos ng tapatan nila ng show ni Coco ay sila ang magiging winner pagdating sa ratings games?
“Well, hindi kami umaasa na matatalo namin. Tatlong taon na rin naman na andiyan yung aming katapat na programa. Ang gusto lang namin ay makapag-offer ng programa, alternatibong panonoorin para sa mga tao na manonood at naghihintay ng bagong aabangan sa telebisyon,” sabi ni Dennis.
“Ngayon, ang dami ng magagandang contents sa Netflix, iFlix, videos. So gusto namin na makapanood sila ng ganung quality sa TV,” aniya.
Inggit
Sa anak mayaman na role napunta si Dingdong at si Dennis naman ay sa isang mahirap na pamilya kung kaya napunta si Dennis sa maling gawain para ma-iahon sa kahirapan ang kinalakhang magulang. Happy ba naman siya sa kanyang role o mas type ni Dennis yung mayamang role ni Dingdong?
“Sa totoo lang, mas enjoy akong gumawa ng mga ganung role, yung role ko sa “Abel at Cain. Kasi di ko na kailangang mag-ayos, magpapogi. Ha ha ha ha! Kung ano lang ang hitsura ko dumating sa set, yun na yun, para mas maging kapani-paniwala talaga yung role ko,” sabi ni Dennis.
Investing para sa future nila ni Jennylyn Mercado
Kung maganda ang tinatakbo ng showbiz career ni Dennis, ay siya rin naman ginanda ng kanyang personal na buhay. Going strong ang relasyon nila ngayon ng real life girlfriend niyang si Jennylyn Mercado. Magkasosyo sila ngayon sa negosyo, ang Chunky Dough cookies.
Paghahanda na rin ba nila ito sa kinabukasan and wedding bells soon?
“Siyempre suportado ko siya sa lahat ng gusto niyang gawin. Natutuwa ako na meron siyang ganun dahil hindi naman kami palaging artista buong buhay namin. Natutuwa ako na meron kaming ginagawang paghahanda para sa future namin,” sabi ni Dennis.
“Iba kasi siya, yung pagbi-bake niya, may halong pagmamahal talaga,” aniya.
“Hindi lang siya para makabenta. Gusto niyang ma-experience yung gawa niya mula talaga sa pagiging hands-on.”
Suporta sa negosyo
Dahilan sa super busy ngayon si Dennis sa kanyang bagong teleserye, ano naman kaya ang ambag niya kay Jennylyn sa kanilang negosyo bilang isa sa namuhunan dito?
“Minsan tumutulong ako kasi masyadong maraming orders. So, kailangan ng extra efforts. Ganun. At para mas maraming kustomer, kung pwede lang akong maglako, gagawin ko rin. Ha ha ha ha,” aniya.
Sa kasalan na talaga papunta
Kumpleto nang maituturing ang relasyon nilang dalawa ngayon ni Jennylyn, as in kasal na lang ang kulang?
“Wala na sigurong ibang pupuntahan kundi doon… ha ha ha ha,” aniya.
Next year ba?
“Mga ilang taon pa siguro. Hindi ko pa rin talaga alam kung kailan.”
Napapag-uusapan na ba?
“Hindi maiwasan na hindi mapag-usapan paminsan-minsan”
Wedding proposal
Maraming tsikang lumabas na nagpropose na raw siya ng kasal pero lahat ng ito ay pinasinungalingan ni Dennis. Wala pa raw siyang wedding proposal kay Jen kahit pa sabihin na may kakaibang singsing na suot-suot ngayon ang gf.
“Sorpresa na lang!”
“Magugulat na lang kayo talaga isang araw. Hindi ko na sasabihin kung kailan, wala nang panggulat pag sinabi ko pa… ha ha ha ha!” ang pagtatapos ni Dennis Trillo