Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MULING nangangalampag ang mga panawagan na ibalik ang parusang kamatayan sa bansa sa gitna ng pagdami ng mga insidente ng mga pagpatay.
Halos araw-araw ay laman ng mga balita sa pahayagan, radyo, telebisyon, at internet ang kaliwa’t-kanang pamamaslang ng mga motorcycle-riding criminals o “riding in tandem” sa bansa. Ito ang dahilan bakit patuloy ang paghiling ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kay Pangulong Rodrigo Duterte na buhayin ang death penalty para matakot ang mga gumagawa ng mga karumaldumal na krimen.
“These are rampant killings that are done in full view of people, like riding in tandem, so it’s done with impunity,” wika ni VACC President Cory Quirino.
“Ang pinakamatinding dahilan ay ang rule of retribution. Kung lumabag ka sa batas at pumatay ka sa isang tao kailangan katumbas din ang parusa sa krimen na ginawa mo,” dagdag niya.
Ayon naman sa spokesman ng VACC na si Boy Evangelista, hindi lang basta-bastang bitay ang dapat ipatupad ng gobyerno para maging epektibo ito kontra krimen.
“It should be bloody kasi ang point namin dito is to send a strong message through a manner na kakatakutan,” sabi ni Evangelista. “Alam mo ang Pinoy, masunurin ‘yan eh. Pag nakita nilang may implementation, may political implementation, may political will, tigil ‘yan.”
Samantala, mas palalawakin ng Philippine National Police (PNP) ang operasyon sa pagtugis sa mga riding in tandem, na tinututukan ngayon ng ahensya.
“We have plans to address these riding in tandem incidents besides expanding Oplan Sita and checkpoint operations,” wika ni PNP Director General Oscar Albayalde.
Balik-bitay malaki ang tsansang makalusot sa Senado
Kung tatanungin si Senate President Vicente Sotto III, pabor siya na muling ibalik ang death penalty sa bansa, ngunit para lamang ito wakasan ang kasamaan ng mga drug lords, na patuloy na nakagagawa ng krimen kahit nakabilanggo na.
“Kung ang pag-uusapan natin ay ibalik ang death penalty for high-level drug trafficking, payag ako. Kasi yung ibang krimen na binabanggit nila ay may remedy as far as the prosecution is concerned,” wika ni Sotto.
Naniniwala din si Sotto na hindi madedehado ang mga mahihirap sa uri ng death penalty na kaniyang isinusulong.
“[Drug lords] can do everything they want because they have money. There is no drug lord who is poor so they can avail of the best lawyers,” aniya.
Mataas din ang kumpiyansa ng Senate President na susuportahan ng mas maraming senador ang pagbabalik ng bitay sa ilalim ng naturang kundisyon.
“Most of the members of the Senate, the way I discuss it with them, I sense the only way we can convince most of them or at least 13 of them would be if the measure would be limited to high-level,” sabi ni Sotto.
Noong nakaraang taon ay ipinasa ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magbabalik ng parusang kamatayan para sa mga high profile drug cases. Bagama’t hawak na ng Senado ang bola para sa pagpapatibay at tuluyang pagsasabatas ng nasabing bill, hindi ito naging prayoridad sa ilalim ng liderato ng dating Senate president Koko Pimentel III.
Ngayong panahon na ni Sotto, bibigyang pansin umano ang nasabing panukala at pahihintulutan na pagdebatehan at talakayin ang death penalty sa Mataas na Kapulungan.
“I have Sen. Manny Pacquiao, who is the principal author, to sponsor it. I’ll probably help him in sponsoring it but only to that level,” wika ni Sotto.
Suportado ng mga Pinoy at ni Duterte
Matagal umiral ang death penalty sa bansa, sa iba’t-ibang paraan—firing squad, garote, pagbigti, silya elektrika, at lethal injection. Taong 2006 nang ipatigil ito sa bisa ng Republic Act No. 9346 na nilagdaan ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nguni’t sa paglipas ng panahon ay nanatiling hati ang pananaw ng mga Pilipino tungkol sa isyu. Ayon sa isang survey ng Social Weather Stations, anim sa 10 Pinoy ang gustong ibalik ang parusang kamatayan.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay pabor na maibalik ang bitay at makailang beses niyang ipinahayag ang posisyon na ito mula pa sa panahon ng kampanya sa pagkapangulo.
Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ay iginiit pa niya na dapat maibalik ang bitay sa lalong madaling panahon. Sinabi ng Pangulo na sa ilalim ng Revised Penal Code, ang pagpapatupad ng bitay hindi lamang para ipaghiganti ang biktima kundi para din maiwasan ang paglaganap pa ng krimen.
“In the Philippines, it”s really an eye for an eye, a tooth for a tooth. You took a life, then you must pay [for] it with life,” wika ng Pangulo sa kanyang SONA noong 2017.
Naniniwala si Duterte na nararapat lamang na patayin na ang mga kriminal na sangkot at lulong sa droga dahil hindi na maaring mabago pa ang takbo ng kanilang madilim na pag-iisip.
“You can’t place premium on the human mind that you will go straight. Nobody can,” aniya.
Simbahan, tutol pa rin
Sa kabila ng mga dahilan ng mga panawagan, mariin pa ring tinututulan ng Simbahang Katolika ang death penalty, at iginigiit na ang justice system sa bansa ang dapat ayusin ng gobyerno.
Sa pahayag na inilabas nf Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sinabi ng pangulo nito na si Lingayen Archbishop Socrates Villegas na kailanma’y hindi naging epektibo sa pagsugpo sa krimen ang pagbitay.
“Even with the best of intentions, capital punishment has never been proven effective as a deterrent to crime. Obviously it is easier to eliminate criminals than to get rid of the root causes of criminality in society. Capital punishment and a flawed legal system are always a lethal mix,” aniya.
Dagdag ni Villegas, dehado ang mga mahihirap na bilanggo, na walang pambayad sa mahusay na abogado, sa kasalukuyang sistema ng hustisya kaya mas malaki ang tsansa nilang masentensyahan ng kamatayan nang hindi dumadaan sa tamang proseso.
Hindi rin umano sang-ayon sa prinsipyo ng karapatang pantao ang parusang kamatayan.
“As a law, death penalty directly contradicts the principle of inalienability of the basic human right to life, which is enshrined in most constitutions of countries that signed the universal declaration of human rights,” wika ng arsobispo.