ANG dami ko ngayong mga kakilala’t kaibigan ang nagpopost sa social media na para bagang sinisisi ang mahihirap sa pagkapanalo ni Pangulong Duterte at, kung gayon, sa kanyang mga kahinaan, kung mayroon man. Aba, bago pa tayong lahat ay muling lumusong sa kumunoy ng darating na halalan, may dapat tayong linawin.
Huwag nating sisihin ang mahihirap sa kalagayan ng bayan at kung anuman ang kahinaan ng mga kasalukuyang nakaupo sa pamahalaan.
Kung titignan natin ang datos na mayroon tayo, proportionally, mas maraming mayayaman at nakapag-aral sa mas mataas na antas ang bumoto kay Duterte, Roxas, at Poe noong 2016 kaysa sa mga mahihirap na karaniwang tinitignan pa ng marami na mga mangmang lamang. Suriin natin ang mga istatistika sa table sa baba.
Malinaw na malinaw. Baka si dating VP Binay, si dating Senador Roxas, o si Senador Poe ang nagwagi kung ang mahihirap lamang at hindi gaanong nakapag-aral ang mga bumoto sa nagdaang halalang pangpangulo. Sino ngayon ang tila mangmang?
Dagdag pa, hindi ba natin naiisip na hindi natin dapat sisihin ang masa sa kahangalan ng mayayamang angkan at malalaking negosyante at vested interests na siyang nasusunod sa pagpili ng kung sino ang nakakatakbo sa pinakamatataas na pwesto? Sino ba kasi ang gumagastos sa kampanya ng marami sa tumatakbo sa eleksiyon? Si Juana at Juan? Kay VP Leni, oo, malinaw na tumulong ang maraming mahirap, sa pisu-pisong ambag nila nang tumakbo siya at, kalaunan, nang kasuhan siya noong isang masalaping politikong tila hindi matanggap ang kanyang pagkatalo.
Sino ngayon ang mangmang?
Magsuri tayong lahat. Huwag bastang magsisihan dahil sama-sama naman tayong talo o panalo sa kung sinu-sino man ang makauupo sa pwesto. Ang tandaan, mahalaga ang oposisyon sa isang tunay na demokrasya.
Malinaw ang aral ng kasaysayan. Hindi natin matatamo ang tunay na pagbabago kung walang oposisyon at karaniwang ang masang naghihikahos rin ang tunay na pinagmumulan ng mga pinakamakabuluhang panukala para sa pagbabagong lipunan.