HANNAH JANE SANCHO
IGINIIT ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na napapanahon lamang ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo bilang co- chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ani Barbers, walang maibubunga ang pagiging drug czar ni Robredo dahil nawalan na ng tiwala ang Pangulo sa posisyong hawak nito.
Paliwanag pa ni Barbers, kwestyunable pa kung aatasan pa si Robredo ng maseselang posisyon sa pamahalaan matapos piliin ng pangalawang Pangulo na humarap sa media at makipag-ugnayan sa UN at Estados Unidos gayong wala namang kinalaman ang mga ito sa problema ng bansa.
Punto pa ng mambabatas, inaasahan na niya ang pagkakatanggal kay Robredo dahil walang humpay ang pambabatikos nito sa anti-drug war ng pamahalaan.
Sa halip aniya na magpanukala at magbigay ng solusyon si Robredo kung paano makakatulong sa kampanya kontra iligal na droga sa bansa ay siya pang numero unong bumabanat dito.
Samantala, kinuwestyon din ng bise presidente kung ano ang kinatatakutan ng administrasyon na malaman niya at ng taong bayan.
Sa huli, tiniyak ni Robredo sa publiko na kahit tinanggalan siya ng posisyon sa ICAD ay hinding-hindi maalis ng mga ito sa kanya ang determinasyon na itigil ang patayan, panagutin ang kailangan managot at ipanalo ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Binigyang diin naman ni Sen. Panfilo Lacson na makakasama lang sa gobiyerno ang plano ni Vice President leni Robredo na maglabas ng mga impormasyon na kaniyang nakalap mula sa Inter-Agency Committee On Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ito ang reaksyon ni Lacson matapos ipahayag ni VP Robredo na ilalahad niya sa isang mensahe sa bayan ang mga natuklasan niya sa ICAD.
Ayon kay Lacson, hindi maganda ang kaniyang nakikitang scenario dito at posibleng magpapalawak pa ng bangayan sa pagitan ng duterte administration at ng pangalawang pangulo.
Sinabi ng senador na hindi dapat maapektuhan ang kabuuang kampanya ng gobiyerno laban sa iligal na droga ang anumang ilalabas na data ng bise presidente.
Dagdag pa ni Lacson, sana raw ginawa ni Robredo ang pagbubunyag noong nasa loob pa ito ng ICAD, dahil ang anumang pagsasalita nito ngayon ay hindi malayong makulayan ng ibang pagtingin.