ILANG taon na rin hinihiling ang isyu ng standardized minimum wage para sa buong bansa ng mga labor unions.
Kamakailan lang ay inihain ng Makabayan ang House Bill (HB) No. 7787 o national minimum wage bill na humihiling ng halagang P750.
Ngunit sa ganitong usapin ay mukhang mahirap bigyan kaagad ng katugunan. Dahil maraming mga kadahilaln o dapat na isaalang-alang na dapat munang tingnan kabilang na ang epekto sa mga buhay ng mga manggagawa at ang kapasidad ng mga employers.
Isaalang-alang na rin ang epekto nito sa ekonomiya na posibleng humantong sa pagtaas ng inflation rate, at ng mga presyo ng pangunahing bilihin.
Kasalukuyan kasing napapaloob sa Republic Act. No. 6272 o Wage Rationalization Act na nag-aatas sa bawat rehiyon sa bansa na may unique minimum wage na ilatag ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Dito nakabase ang suweldo ng mga empleyado sa poverty threshold, employment rate at cost of living ng isang rehiyon.
Kapag naipasa ang HB 7787 ay awtomatikong mawawala ang RTWPBs at gagawing nasyunal na ang minimum wage na P750.
Katuwiran kasi ng mga labor unions na mas nakabubuting pantay na lamang ang minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila at sa mga probinsya dahil napakalayo ng agwat ng kanilang suweldo na kung tutuusin ay halos pareho lamang o mas mataas pa nga raw ang cost of living sa probinsya kumpara sa Maynila.
Kagaya na lamang sa kasalukuyang minimum wage sa ARMM na P263 na 50 porsi-yento sa P512 minimum wage ngayon sa NCR.
Ngunit ayon naman sa mga employers, mas nakakapagbigay pa ng kasamaan kaysa kabutihan ang national minimum wage dahil kapag itataas ng kagaya sa Maynila ang minimum wages ng mga manggagawa sa mga probinsya ay magdudulot ito sa mga kumpanya at industriya na magtaas ng kanilang presyo ng produkto at serbisyo.
Silipin na rin ang 99.5 porsiyento ng mga negosyo ay pawang mga micro, small and medium enterprise (MSMEs) na kapag hindi nila makayanang magbigay ng mataas na suweldo, mapipilitan silang magsara na magdudulot ng pagkawala ng trabaho o mag-uudyok sa kanila na itago ang kanilang negosyo at maging impormal. Kapag naging impormal na sila, walang proteksyon ang mga manggagawa.
Ano kaya ang magiging desisyon ng pamahalaan nito? Itong isyu na naman ang aabangan natin.