Pinas News
PAPALALA na nang palala ang lagay ng klima sa buong daigdig ayon sa pinakahuling pag-aaral ng UN Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC). Sa kanilang huling estimate, sinabi nila na maaaring may labindalawang taon na lamang ang mundo upang mabaligtad ang proseso ng labis na pag-init ng panahon. Kung hindi ito magagawa, lalo lamang iinit ang lagay ng panahon, titindi ang mga tagtuyot sa ibang lugar, habang lalala ang pagbaha sa iba pang lugar sa patuloy ng pagkatunaw ng yelo sa mga dati ay lubhang malalamig na lugar.
Dahil dito, kailangan talagang kalampagin ang mga nasa kapangyarihan upang kumilos ang lahat at tugunan ang mga babala ng mga siyentipiko. Higit na kailangan ang politikal will ng pamunuan at pakikipag-ugnay sa mga pinuno at opisyal sa buong mundo upang matitiyak ang malawakan at walang patid na pagkilos patungo sa isang mas balanseng paggamit ng likas-yaman ng mundo nang hindi nakakadagdag sa pagpapainit nito dahil sa malubhang carbon emissions.
Sa darating na eleksiyon, dapat linawin ng mga nag-aambisyong mamuno sa ating bansa kung saan sila tumitindig sa usapin ng climate change. Ang pagbabago ng klima ay isang masalimuot na usapin na may batayan sa agham. Hindi sapat ang pangako sa panahong may nakaambang tunay na panganib sa buong daigdig. Kailangang maipakita ng mga nag-nanais na magsilbi na alam nila kung ano ang kanilang sinusuong. Ang susi rito ang kanilang pananaw kung paano isusulong ang isang uri ng kaunlaran na likas-kaya o sustainable.
Hindi pwedeng sabihin na lamang ng isang kandidato na gagawin niya ang lahat kapag naupo na siya o pag-aaralan niya ang isyu kung naupo na siya. Hindi isang iskwelahan, OJT, o eksperimento ang eleksiyon at pag-upo sa pwesto. Sa lala ng lagay ng buong mundo, hindi pwedeng basta ipagkatiwala natin sa kung sinu-sino na lamang ang kinabukasan ng ating mga anak at apo. Kailangan natin ng mga pinunong may utak at puso para sa lahat.
Kailangan maglatag ang mga kandidato ng isang programa de gobyerno na may pagkiling sa sustainable development. Isang kaunlarang nakatuon sa kagalingan ng lahat at nakakiling sa pangangalaga sa kalusugan ng kalikasan.