MAWAWALA ang 8 porsiyento ng pandaigdigang suplay ng nickel ore sa mundo kung isasara ang mahigit kalahating bilang ng mga kumpanya ng pagmimina sa bansa.
Makaaapekto ito sa paggawa ng mga produkto tulad ng stainless steel, mga kagamitan sa aerospace, green batteries at mga chemical na may malaking epekto sa maraming industriyang gumagamit ng mga ito.
Ito ang sinabi ni Carolina Bain, chief commodities economist ng Capital Economics, isang economic research group na nakabase sa London, England.
“They are cutting off about 8 percent of global nickel supply with huge implications, given that the Philippines supplies around 97 percent of China’s nickel,” pahayag pa ni Bain, “so this is a major disruption for the nickel market.”
Ang Pilipinas ay nasa ikalimang bansa na pinakamayaman sa mineral sa mundo kabilang ang copper, nickel, gold at chromite. Ang bansa ang may pinakamalaking deposito ng copper-gold sa mundo, ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), na may $840 bilyong halagang mineral na hindi pa nagagalaw.
Nais ng mga kumpanyang nakaambang ipasara na ilabas ng pamahalaan ang environmental audit na nagpapasuspindi sa industriya ng pagmimina dahil anila ay napakarahas ang pagpapasara ng mga ito.
“With the inclusion of anti-mining groups in the audit teams, you can see that the audit was compromised. The participation of these anti-mining activists immediately raises the question of whether or not the results are impartial,” ayon kay Nelia Halcon, executive vice president ng Chamber of Mines of the Philippines.
“If the audit found violations, the law provides for a procedure. She should have filed the appropriate cases or invoked the arbitration clause of the mining agreements. Our members have not received any formal decision but have already been subjected to trial by publicity,” hinaing ni Halcon.
Naging kontrobersiyal ang situwasyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos na iatas ni dating Secretary Gina Lopez ang pagsasara sa 23 kumpanya ng pagmimina, pagsuspindi sa lima pa at pagkansela sa 75 kontrata ng mga ito.
Naniniwala si Lopez na ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan ang mahalaga, kung ikukumpara sa perang ginagawa ng naturang mga kumpanya.
Sa kabila ng atas nito na magreresulta sa malawakang pagkawala ng trabaho at nakaapekto sa kanyang kumpirmasyon sa Commission on Appointment (CA), nanatiling matatag si Lopez sa katayuan nito at gawin ang trabaho sa kabila ng natatanggap na mga pagpuna.
PAG-AARALAN ANG INDUSTRIYA NG PAGMIMINA
Sa kabila umano ng pag-alis ni Lopez bilang secretary ng DENR, maaari pa ring maipatupad ang pagpapasara ng ilan sa mga kumpanya sa pamamagitan ng pagsasagawa nito ng pag-aaral sa industriya ng pagmimina.
“There could be closures,” ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III bilang co-chairs ng Mining Industry Coordinating Council (MICC), isang interagency na magsasagawa ng pag-aaral sa 300 bilang ng pagmimina.
“The MICC will carry out its mandate because that’s in the law and I think it’s good,” ayon pa kay Dominguez.
Binanggit muli ni Dominguez ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring pakawalan ng pamahalaan ang P30 bilyong kita sa bawat taon ng pagmimina.
“What’s P30 billion?” tumbok ni Dominguez sa halaga ng kita na maaaring malaki sa paningin ngunit maliit sa P1 trilyong planong kikitain ng DOF ngayong taon.
“We can take that drop. But what about local communities that depend on mining? They can’t,” aniya pa.
Maliit lamang umano ang kontribusyon ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa at hindi mataas ang bilang ng trabaho. Ang kontribusyon ng pagmimina sa bilang ng trabaho ay umabot lamang ng 234,000 sa taong 2015 o 0.6 porsiyento sa kabuuang trabaho sa bansa.
MAHIGPIT NA BATAS NG PAGMIMINA
Hamon umano ng kasalukuyang administrasyon ay maisagawa ang tunay na reporma sa sektor ng pagmimina.
Ayon kay Dominguez, hindi solusyon ang pagbabawal sa industriya ng pagmimina, kundi ang pagpapabuti sa pamamahala nito.
“The solution is not to arbitrarily ban extractive industries. The solution is to improve governance so that we get the best worlds: Ensuring the sustainability of our environment on one hand and creating wealth for our people from our natural endowments on the other,” aniya pa.
Mag-aatas naman ng mahigpit na batas sa pagmimina at magpapatupad ng responsableng pagmimina ang bagong kalihim ng DENR na si Roy Cimatu sa kanyang administrasyon.
“Responsible mining. Malaking bold letter ‘yan. Responsible. Strict implementation of the mining law will be applied to all mining companies,” ayon kay Cimatu.
Nilinaw rin ni Cimatu na hindi siya hihingi ng pera sa mga kumpanya ng pagmimina at binalaan ang bawat isa patungkol sa ‘impostors’ na gagamit sa pangalan niya upang makakuha ng impormasyon mula sa ‘loob’ upang makapangikil mula sa mining companies.
Ipatutupad din ng administrasyon ni Cimatu ang pagmimintina sa kaunlaran sa pamamagitan ng responsableng paggamit ng mga likas na kayamanan at pagdudulot sa mga Pilipino ng benepisyo sa ekonomiya. Kabilang dito ang pagpapaigting sa pagbabawal sa illegal logging at pagsasagawa ng batas-pangkalikasan gaya ng Clean Air Act, Clean Water Act at Waste Management Act.