EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
SINO ang maituturing mong tunay na kaibigan?
Ang kaibigan na maasahan sa panahon ng pangangailangan.
Ang kaibigan na hindi ka iiwan sa panahon na kailangan mo siya.
Ang Estados Unidos ang isa sa mga bansang kaalyado ng Pilipinas sa napakaraming panahon.
Sa katunayan may kasunduan pa ang Pilipinas at Amerika na nilagdaan noong 1951 sa Washington, DC, ang Mutual Defense Treaty.
Base sa kasunduan ay susuportahan ng dalawang bansa ang isa’t-isa sakaling magkaroon ng anumang armadong atake mula sa labas ng bansa.
Nariyan din ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagpapahintulot sa Estados Unidos na gamitin pansamantala ang mga base militar sa Plipinas, mag-imbak ng mga defense equipment at magtalaga ng mga sundalo at personnel sa loob ng 10 taon magmula nang malagdaan ito noong 2014.
Pinahihintulutan din ng EDCA na dumaong at humimpil ang mga sasakyang panghimpapawid at pandagat ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Bukod pa sa humanitarian assistance, military training at disaster relief na kanilang ibibigay.
Gayunpaman sa kasagsagan ng tension sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea sa pagitan ng China at Pilipinas ay wala namang naitulong ang Estados Unidos upang mapahupa ito.
Sa katunayan ang presensiya ng Amerika sa West Philippines Sea ang nagpapalala sa sitwasyon lalong-lalo na sa tuwing naiispatan ang US Navy sa pinagtatalunang teritoryo.
Pero nang magsimulang mamuno si Pangulong Duterte ay nagbago ang ihip ng hangin ng pakikitungo ng bansang China sa Pilipinas.
Ang dating turing ng makapangyarihang bansa sa Pilipinas na isang kaaway ay itinuturing na nitong isang kaibigan.
Naging bukas din ang bansang Russia sa pagpapalalim ng relasyon sa Pilipinas lalong-lalo na sa katatapos lamang na official visit ni Pangulong Duterte sa Sochi kung saan nagkaroon sila ng pagpupulong ni President Vladimir Putin.
Pero bakit nga ba mas abala ngayon si Pangulong Duterte sa pakikipagkaibigan sa China at Russia kahit pa mas matagal na kaalyadong bansa ng Pilipinas ang Estados Unidos?
Tumatak kasi kay Pangulong Duterte ang ginawa ng Amerika noong panahon na sinalakay ng IS-inspired group ang Marawi City sa Mindanao.
Balak bumili ng mga armas at helicopter ang Pilipinas sa Amerika pero ayaw pagbilhan.
Nagbigay kasi ng kondisyon ang Amerika sa Pilipinas na hindi maaring gamitin sa insurgency o sa mga rebelde ng bansa.
Dahil dito hindi maiwasan ni Pangulong Duterte na ikumpara ang Estados Unidos sa China at Russia na nagdonate pa ng armas sa Pilipinas para palakasin ang pwersa ng militar sa Marawi.
Kaya mas itinuturing na kaibigan ngayon ng administrasyon ang China at Russia dahil naipamalas nito ang magandang pagkakaibigan sa Pilipinas na nangangailangan ng tulong sa harap ng banta ng terorismo sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo ay may ongoing negotiation sa pagitan ng Russia at Pilipinas kaugnay sa pagbili ng military equipment.
Hindi man ito idinetalye ni Panelo ay binigyang diin naman nito na dapat magisip-isip na ang Amerika ngayong hindi na dumedepende sa kanila ang Pilipinas dahil may mga bansa namang handang tumulong para mapalakas ng depensa ng bansa.
Isa aniya itong oportunidad para maging patas naman ang Estados Unidos sa pagbebenta nito sa Pilipinas ng mga military equipment.
Kung tutuusin isa na rin itong magandang pagkakataon upang maipamalas ng Pilipinas na hindi sa lahat ng oras ay nakadepende ito sa Amerika sa usapin ng defense cooperation.
Hindi man maintindihan ng publiko ang polisiya at estratihiya ng Pangulong Duterte sa larangan ng diplomasiya ay malinaw naman na wala itong ibang hangarin kundi ang maisulong kung ano ang makabubuti para sa nakararami.
Hindi man naiintindihan ng marami sa ngayon ay maaring makikita naman sa resulta ng mga kooperasyong ipinasok sa pagitan ng mga bansang ito na makatutulong hindi lamang sa pagpapalakas ng depensa sa bansa kundi pati na rin sa oportunidad upang maglagak ng puhunan ang kanilang mga negosyante.
Sa kabila nito, binigyang diin naman ng Malacañang na walang balak si Pangulong Duterte na putulin ang pakikipagalyansa nito sa Estados Unidos.