Ni: Ernie Cifra
GUSTO mo bang mag-negosyo pero ‘di mo alam saan mag-uumpisa?
Marahil tinatanong mo kung magkano ba ang gagastusin para magkaroon ng sariling negosyo.
Basahin mo ito at baka narito ang mga kasagutang hinahanap mo.
Maraming naniniwala na higit na maiging magkaroon ng sariling negosyo dahil “You Can Be Your Own Boss”, ‘ika nga.
Ito pa ang ilan sa madalas na sabihing bentahe at benepisyo ng pagnenegosyo: sarili mo ang oras mo, wala kang amo, hindi nakapako ang taas ng kita mo sa isang sweldo, at marami pang iba.
Paano Magsimula ng Negosyo
Ang unang-unang tanong na dapat mong sagutin ay ito: “Ano ba ang kaya kong i-negosyo at hilig ko ba ito?” Higit na mabuti na pasukin mo ang negosyo na naiintindihan mo. Mas mainam din lalo na kung hilig mo ang linya ng negosyong ito, nang sa gayon, hindi ka naiinip o mahihirapan at sa halip ay aliw ang dulot sa iyo ng iyong pagpapagal.
Halimbawa, kung masarap kang magluto at masaya ka makitang busog at nasasarapan ang mga tao sa pagkaing hinain mo, marahil bagay ka sa negosyong kainan o restawran. Kung mahilig ka namang magbuting-ting ng kompyuter, marahil bagay sa iyo ang magtayo ng isang computer repair shop.
Mahalaga ring tanungin: “May pangangailangan ba sa aking produkto o serbisyo sa lugar na gusto kong paglagyan ng aking negosyo?” Halimbawa, mabenta bang magtinda ng makakapal na jacket at iba pang damit-panlamig sa panahon ng tag-araw? Tama bang magbenta ng mamahaling alahas at mga kagamitan sa isang lugar na hindi naman kataasan ang antas ng ekonomiya at mababa ang purchasing power ng mga tao. Maiging alamin kung anong mga bagay o serbisyo ang hinahanap ng mga mamimili o parokyano sa isang lugar at doon magtuon ng atensyon.
Importante rin na matutong gumawa ng business plan kung saan nakapaloob ang impormasyon ukol sa produkto o serbisyong nais mong i-negosyo; mga “goals and targets” sa negosyo; detalyeng pampinansyal; ang mga pangangailangan sa negosyo gaya ng materyales, kagamitan, atbp.; ang iyong “target market”; puhunan at presyo ng iyong paninda o serbiyong inaalok; ang estima mo ukol sa “return on investment” o balik-puhunan; lokasyon ng negosyo; at marami pang ibang detalye.
Para sa dagdag na kaalaman, bisitahin sa internet ang: https://www.dti..gov.ph/businesses/msmes/start-your-business
Magkano ang Gastusin sa Pagnenegosyo
Kung maliit pa lamang ang iyong puhunan at baguhan ka sa pagnenegosyo, marahil “Sole Proprietorship” ang uri ng negosyong maari mong umpisahan.
Sa madaling salita, ang sole proprietor o ang may-ari ng negosyo ay ikaw at lahat ng responsibilidad na ligal at pampinansyal ay nakaatang sa iyo.
Para sa sole proprietorship, ganito ang karaniwang halaga na dapat paglaanan:
DTI Registration = P200.00 (kung ang negosyo ay sa barangay lamang)
= P500.00 (kung ito ay pang-lungsod/munisipyo)
= P1,000.00 (regional registration)
= P2,000.00 (national registration)
Barangay Clearance = P500.00
Sedula = P500.00
Mayor’s Permit = P6,000.00 (bagong negosyo o unang rehistro)
Garbage Fee = P5,000.00
Sanitary Permit = P600.00
Business Tax = P850.00
Maaaring idagdag mo pa dito ang gastos mo sa pamasahe (o gas kung may sarili kang sasakyan), pagkain, at iba pang bayarin habang nilalakad mo ang mga papeles sa munisipyo, barangay, at sa DTI (Department of Trade and Industry).
Siyempre, ‘wag kalimutan ang mga panggastos sa mga sumusunod: unang imbentaryo o paninda, renta (kung wala kang sariling puwesto), pasahod sa tauhan (sa ngayo’y P475.00 kada araw na minimum wage sa National Capital Region kung ang negosyo ay “retail” o “service establishment” na may empleyado hindi hihigit sa 15 katao), internet connection at monthly fee kung kailangan mo nito sa negosyo, pambayad sa kuryente’t tubig, buwis, at iba pang pang-araw-araw na kailangan sa pagpapatakbo ng iyong negosyo. Tinatayang mas malaki ang paunang gastos kung isang korporasyon o partnership ang iyong itatatag na negosyo.
Kung interasado ka naman sa Franchising, maaring paghandaan mo ang ganitong halaga para sa puhunan:
P 25-35 Milyon = isang branch ng sikat na Hamburger Fast Food Chain (hindi pa kasama ang lupa, renta, at mga kagamitan)
P300,000 = sikat na Waffle food cart
P280,000 – P1.2 Milyon = sikat na French Fries food cart
P280,000 – pataas = sikat na Siomai food cart
P25,000 – 60,000 = ibang food cart business
Si Princess Rosario ang may-ari ng “What’s Your Flan?”
Homebased Negosyo, P105 kapital puwede na
Mayroon din namang negosyong “homebased” na maaaring umpisahan sa halagang P100.00-500.00 lamang kagaya nang paggawa ng puto at ibang kakanin, pulburon, at iba pang madaling gawin at murang ibenta na paninda.
Ang mga flavored leche flan gaya ng green tea matcha, mango float, strawberry with cashew, Reese’s, at Oreo with caramel ni Princess Rosario.
Sa katunayan, may isang babaeng negosyante na nagsimula lang sa P105.00 na puhunan. Ginamit nya ang P105.00 para gumawa ng limang llanera ng leche flan. Karaniwang nakakabenta siya ng hindi bababa sa P100 llanera kada araw kung saan P30.00 hanggang P40.00 ang tubo bawat isa, o P3,000.00 kita araw-araw (o P66,000 pataas bawat buwan kung di kasama ang araw ng Sabado’t Linggo). Ang negosyanteng ito ay si Princess Rosario na dating Overseas Filipino Workers (OFW’s) sa Dubai na umuwi sa Pilipinas upang magsimula ng sariling negosyo. Siya ay na-feature na sa isang pang-negosyong palabas sa telebisyon noong 2017. Siya ngayon ay may-ari na ng negosyong tinawag niyang “What’s Your Flan? Flavored Leche Flans”. Ginamit niya rin ang Facebook para makabenta ng kanyang produkto.
Kung sa gayon, hindi naman pala kailangan ng milyun-milyong halaga para makapag-umpisa ng negosyo. Kailangan lang ay paghahanda’t pag-aaral ukol sa negosyo, sipag at tiyaga, at lakas ng loob.