AYON sa World Health Organization (WHO), umaabot sa 500,000 katao kada taon ang namamatay dahil sa mga cardiovascular disease na dulot ng labis na pagkain ng industrially-produced na pagkain tulad ng baked goods, fried street foods, at iba pa.
Ni: Jonnalyn Cortez
Naglabas ang World Health Organization (WHO) ng bagong guideline upang taggalin ang nakakasama sa kalusugang trans fat na hinahalo sa pagkain.
Tinawag ang bagong guide na REPLACE na ang ibig sabihin ay:
REview – pag-aralan ang mga dietary sources ng industrially-produced na trans fat at ang posibleng resulta ng iniutos na pagpapalit ng patakaran.
Promote – nais ng WHO na i-promote ang pagpapalit ng paggamit ng trans fat sa alternatibong mas makakabuti sa kalusugan na “fats at oils.”
Legislate – magpatibay ng regulatory actions upang ligal na maipahinto ang paggamit ng trans fat.
Assess – tansyahin at bantayan ang nilalaman na trans fat ng bawat pagkain at ang pagkonsumo nito ng mga tao.
Create – gumawa ang mga producers, suppliers at policy makers ng mga kamalayan sa negatibong epekto ng trans fat sa kalusugan para sa publiko.
Enforce – ipatupad ang pagsunod sa mga patakaran at regulasyon.
Ang trans fat ay isang uri ng “fat” na nagmumula sa baka at tupa. Ginagawa ang artipisyal na uri nito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga likidong langis na sasailalim sa prosesong partial hydrogenation, na pinapalitan ang chemical structure ng unsaturated fats mula sa “cis” hanggang maging “trans.” Ang pagbabago sa istrakturang kemikal ay naglalabas ng mantikang kilala bilang partially hydrogenated vegetable oil o PHVO na nakakasama sa kalusugan.
Sa pagtataya ng WHO, mayroong 500,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa cardiovascular diseases na dulot ng pagkain ng mga pagkaing may trans fat.
“WHO calls on governments to use the REPLACE action package to eliminate industrially produced trans fatty acids from the food supply,” wika ni WHO director-general Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Makikita ang trans fat sa mga pagkain katulad ng margarine, vegetable shortening, mga iprinitong pagkain na karaniwang ihinahain sa fast food joints, doughnuts, baked goods, pies at mga produktong pre-mixed tulad ng pancake at hot chocolate mixes.
“Baked and fried street and restaurant food often contains industrially produced trans fat. This increases the risk of heart attack and cardiovascular death,” pahayag ng representante ng WHO sa Pilipinas na si Dr. Gundo Weiler.
Iminungkahi ni Weiler na gumamit na lamang ng mga alternatibong sangkap na mas makakabuti sa kalusugan na hindi makakaapekto sa lasa o presyo ng pagkain. Sa guideline ng WHO, maaaring gumamit ng polyunsaturated (PUFA) at monounsaturated fatty acids (MUFA) bilang kapalit ng trans fatty acids.