Ni: Ana Paula A. Canua
MAS mabilis ng 50 beses kaysa sa pag-oopera ng doktor’, ito ang lumabas sa pag-aaral ng mga mananaliksik sa Universidad ng Utah, matapos nilang maimbento ang ‘robotic drill’ na kayang makatulong sa skull at bone surgery ng mga doktor.
Sa journal na inilabas na may titulong “Neurosurgical Focus”, pangunahing layunin lamang sana ng nasabing robotic drill ang pag-alis ng noncancerous tumors sa mga pasyente. Ang matagumpay na pag-alis ng tumor sa ulo ng pasyente ay ‘proof of principle’ na kaya pang magsagawa ng iba pang ‘complex procedure’ ng robot.
Ayon sa pag-aaral napatunayan na sa tulong ng drill, mas mabilis, mas malinis, mas ligtas sa anumang impeksyon at komplikasyon ang pasyente dahil mas maiksi ang oras ng operasyon, idagdag pa na hindi na rin kailangang mag-alangan sa failure of anesthesia dahil sa mabilis na proseso ng drill.
Dahil din sa imbensyon, maaring bumaba ang surgical cost at tyansa ng human error sa kabuuan ng operasyon. Malaking tulong ito lalo pa’t napakatagal ng operasyon sa utak, at nangangailangan ng maraming doktor na aalalay sa isang operasyon.
“It’s a time-saving device, more than anything,” ayon kay William Couldwell, neurosurgeon at isa sa katulong sa pag-aaral.
“The use of automation and robotics in surgery has been growing for the past decade — for example, medical robots already can help put screws in the spine or assist in hip replacement surgeries — this type of technology [the robotic drill] hasn’t been applied in skull-based surgery,” dagdag ni Couldwell.
Proseso ng pag-opera
Una, sasailalim sa CT scan ang pasyente upang makuha ang bone data at matukoy ang eksaktong lokasyon ng aalising tumor o isasaayos na ugat. Sa tulong rin ng CT scan, makikita ang sensitibong nerves at major veins na maaring maapektuhan sa operasyon.
Mula sa nakalap na impormasyon sa CT scan, ipo-program ng surgeons ang ‘cutting path’ ng robot sa tulong na rin ng isang special software.
“We can program [it] to drill the bone out safely just by using the patient’s CT criteria, it basically machines out the bone,” pagtitiyak ni Couldwell.
Isa sa mga pinakamahirap at sensitibong ugat sa ating utak ang ‘venous sinus’ dahil isang pagkakamali lamang ay maaari na itong magresulta sa labis na pagdurugo sa utak. Sa pamamagitan ng robot mas matitiyak ang tagumpay ng operasyon dahil sa eksaktong cutting path ng robot na isa hanggang dalawang millimeters na layo sa mga sensitive areas, napakaliit na sukat ang millimeters na pagitan, para lamang itong pinagdikit na karayom.
“The software lets the surgeon choose the optimum path from point A to point B, like Google Maps,” pahayag naman ni A. K. Balaji, Ph.D. associate professor ng mechanical engineering sa University of Utah.
Bukod pa riyan, bahagi ng ating skull ang ilang buto na matigas at may mahirap na anggulo, isang pagkakamali lamang ay maaari ring magresulta sa coma, o kawalan ng ala-ala sa pasyente, tulad ng temporal bone. Sa tulong ng machine mas madali itong mapapasok, sa katunayan isa ito sa access points sa operasyon.
Kaya naman ganun na lang ang pagnanais ng unibersidad na makagawa ng tutulong sa mga doktor sa pagsagip ng buhay ng mga pasyente “We thought this procedure would be a perfect proof of principle to show the accuracy of this technology,” ani Couldwell
Gaano ito kasigurado na malayo sa robot failure?
Nanatiling nakastand-by ang mga surgeons sa kabuuan ng proseso ng robot, tinitiyak ng researchers na madali lamang patayin ang machine anumang oras.
Huwag rin mag-alala dahil ang drill ay mayroong built-in safeguards. Halimbawa, kaya nitong matukoy kung masyado ng malapit ang drill sa anumang facial nerve at awtomatikong hihinto sa pag-drill.
Sa loob ng isa hanggang dalawang taon, ang robot drill kasama na sa operating room
Sa simula ng imbensyon, sinubukan sa plastic bloks ang machine, tapos ay sa cadaver skulls o ‘yong bungo ng namatay na tao. Sa kabuuan ng proseso, nagkaroon ng maraming prototypes ang machine hanggang sa matiyak ang ‘accuracy’ ng paggawa nito. Sa umpisa katulad ng ibang naimbentong robots, malaki at mabigat ang machine hanggang sa pinal na bersyon ito na ay portable at magaan na, tamang-tama at mas madaling magamit sa operating room.
At dahil nagawa na ang pinal na bersyon at natiyak na ang kaligtasan nito na magamit, ngayon pinagkakaabalahan ng mga ‘resear-chers’ at ‘inventors’ ng robotic drill na makahanap ng medical device manufacturer na tutulong sa kanilang ma-commercialize at makapagproduce ng maraming units na maaring ipagbili sa mga ospital. Sa tantya, nasa isa hanggang dalawang taon na lamang bago ito maipagbili sa mga ospital.
Maaari namang magkahalaga ng hindi tataas sa $100,000 ang presyo ng isang unit, mahal man ngunit kapalit naman ay malaking oras na matitipid at mas ligtas na operasyon ng mga pasyente.
Magagamit sa skull, spine at iba pang complex procedure
Dahil sa kakayahan nito, pasok ang machine na magamit na rin sa iba pang complex surgical procedures gaya sa spine at hips bukod pa sa skull procedure na pa-ngunahing dahilan ng pagkakagawa nito.
“I would like to see it being used in major teaching hospitals because I think it would be a great teaching aid,” pahayag ni Couldwell.