Ni: Quincy Cahilig
KINUMPIRMA ng Department of Health ang unang kaso ng 2019 novel coronavirus sa bansa.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, isang 38-anyos na Chinese patient mula sa Wuhan China ang nakumpirmang nahawaan ng nasabing virus matapos ang isinagawang laboratory test sa Australia.
“The patient sought to consult and was admitted to one of the country’s government hospitals last January 25 after experiencing a mild cough. She is currently asymptomatic, which means she has no fever, and no other signs and symptoms suggesting illness at this point,” wika ni Duque.
Sa kabila ng nakumpirmang kaso ng novel coronavirus, tiniyak ni Duque sa publiko na ginagawa nila ang kailangang gawin upang mapigilan ang paglaganap ng virus.
Kamakailan lamang ay inalerto ng World Health Organization (WHO) ang buong mundo na labanan ang novel coronavirus.
Sinabi ni WHO Health Emergencies Programme Director Michael Ryan na may nagtungo na silang mga international team experts sa China para malaman kung paano kumakalat ang nasabing virus, kung saan 16 na bansa na ang naiulat na may kumpirmadong kaso.
Samantala, pinuri din nito ang naging tugon ng China kung saan naging isang malaking hamon ang nasabing virus na kailangan ng malawakang pagsugpo.
Ayon kay Health Secretary Francisco T. Duque III, on alert ang Department of Health (DOH) at patuloy na inihahanda ang health facilities sa buong bansa para matugunan ang peligrosong coronavirus mula China. Nagpapakalat din aniya ang ahensya ng impormasyon tungkol sa sakit para maproteksyonan din ng mga mamamayan ang kanilang sarili.
Siniguro ni Duque na sapat ang kakayahan ng mga health facilities para gamutin ang mga may suspected cases ng 2019-nCoV. Kaalinsabay nito ang pagpapatupad ng preventive measures at protocols ng mga health workers para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Mahigpit din na binabantayan ng Bureau of Quarantine ang mga paliparan nang maagapan ang mga biyaherong may sintomas ng sakit, at agad silang maisailalim sa quarantine.
“I urge travelers with symptoms of respiratory illness, either during or after travel, to seek medical attention immediately. I also call on our health facilities to enhance standard infection prevention and control practices, especially in our emergency departments. We must always be ready,” ayon kay Duque.
Nakaalerto rin ang mga local government unit sa pagsugpo sa pagkalat ng naturang virus sa kani-kanilang mga nasasakupan. Ang lungsod ng Maynila ay namigay ng paunang 100,000 face masks sa publiko.
“Ito po ang ating initial na distribution ng mga face masks. Tuloy-tuloy po ang ating pag-distribute nito sa mga susunod na linggo,” wika ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.
Dagdag ng alkalde, patuloy ang kanilang sariling monitoring sa pangunguna ng Manila Health Department.
Samantala, wala pa namang repatriation orders ang pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFW) sa China, pero pinaalalahanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy abroad na ingatan ang kanilang kalusugan at sundin ang payo ng mga health authorities kung saan man sila naroon.
Sa pag-lockdown sa Wuhan, China, ang pinanggalingan ng coronavirus, nanawagan ang Philippine Consulate sa Shanghai sa Filipino community leaders doon na tumulong sa pag-agapay sa mga Pinoy doon. Nag-isyu naman ng advisory ang Philippine Consulate General sa Hong Kong sa mga Pinoy doon na makipagtulungan sa Hong Kong government, na nagtaas na ng “Emergency Response Level.”
Seryosong health threat
Nitong Disyembre 31, 2019 kumalat ang misteryosong pneumonia cases sa Wuhan, China. Sa kalaunan, natukoy na ang sanhi ng naturang outbreak ay ang bagong coronavirus strain na 2019-nCoV, na hindi naman nakakahawa sa tao noon.
Inihahalintulad ng mga eksperto ang 2019-nCoV sa Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), na pumatay ng 774 noong 2002 at 2003. Gaya ng SARS, ang coronavirus ay nagmula sa mga hayop, kabilang dito ang mga paniki, na kinakain ng marami sa China at ng ilan bilang exotic food.
Ayon sa mga health reports, nasa mahigit 3,000 katao na ang infected ng 2019-nCoV at mabilis itong kumakalat; na nasa 1,000 katao ang mga nahahawa kada araw.
Sa pagsusulat ng artikulong ito, nasa 80 na ang namatay sa viral infection na nagdudulot ng komplikasyon sa respiratory system gaya ng sa pneumonia.
Kaya naman itinaas na ng World Health Organization (WHO) ang sitwasyon sa “very high risk” sa China, “high risk” sa Asia, at “high risk” sa global level.
Ayon sa DOH, ang mga sintomas ng 2019-nCoV infection ay ang mga sumusunod: lagnat, ubo, hirap sa paghinga. Kapag ito ay malala, nakapagdudulot ito ng pneumonia, acute respiratory syndrome, kidney failure, at kamatayan.
Kaya para maiwasan ang paglaganap ng sakit, pinapayuhan ng DOH ang publiko na dalasan ang paghuhugas ng kamay, iwasan ang paghawak sa mga ligaw na hayop, takpan ang bibig pag bumabahin at umuubo, huwag lumapit sa mga taong may sintomas ng trangkaso, at siguruhing maayos ang pagkakaluto ng pagkain. Payo rin ng mga health experts na magbaon ng alcohol o hand sanitizer.
“Let us continue to be vigilant. Always practice hand hygiene, observe proper cough etiquette, avoid close contact with people manifesting flu-like symptoms, avoid contact with farm and wild animals, cook food properly, and adopt healthy lifestyles to mount immunity against infections,” payo ni Health Secretary Duque.
Dagdag pondo para sa disease surveillance
Samantala, sa gitna ng mga pangamba sa coronavirus, ikinababahala ng isang mambabatas ang malaking pagtapyas sa pondo para sa disease surveillance ng pamahalaan.
Ayon kay Gabriela party-list Representative Arlene Brosas, mula sa PHP 263 milyon alokasyon noong nakaraang taon, nasa PHP 115.5 milyon na lang ang nakalaan para sa epidiemiology at disease surveillance program sa 2020 National Budget. Aniya, maaring maapektohan nito ang pagtukoy ng DOH sa mga taong nahawahan ng nakamamatay at highly-infectious na sakit.
“We are worried that this hefty budget cut will constrain the health department’s capability to track and effectively repel the coronavirus outbreak, especially with the influx of tourists in various entry points in the country,” aniya.
Mungkahi ng mambabatas, mag-pasa ang Kongreso ng supplemental budget para sa karagdagang pondo sa disease surveillance.
“The health and lives of millions of Filipino people are at stake here. Congress should be ready to approve a supplemental budget to the DOH if necessary,” wika ni Brosas.