Ni: DV Blanco
SA aspeto naman ng pagprotekta sa karapatang pantao, malaking hamon sa United Nations ang pagpigil sa patuloy na paglabag ng karapatang pantao lalong lalo na ng mga kababaihan, kabataan, mahihirap, maralita at iba pang sektor ng lipunan na nangangailangan ng sosyal, ekonomiko at kapaligirang proteksyon sa pangangalaga ng mga estado at ng mga taong nasa kapangyarihan.
Ang paggalang sa karapatan halimbawa ng mga libu-libong refugees na binabagtas ang mga malalaking alon at sigwa ng dagat na karaniway namamatay sa pagkalunod para lamang makahanap ng ligtas at payapang lugar ay malaking hamon sa UN ganun na rin ang pagseseguro ng mga karapatang pantao ng mga indigenous people katulad ng Ronghiyas sa Myanmar at ng mga babae o batang bikitima ng human trafficking na tinatawag ngayong modern slavery. Sa konteksto ng Pilipinas ay nandiyan ang mga extra-judicial killings at kamakailan lamang ay malagim na pagpatay sa siyam na magsasaka sa Sagay, Negros Occidental na nagsasaka lamang para may maipakain sa kanilang pamilya.
Sa pagbibigay naman ng tulong sa mga nangangailangan, isang masidhing kooperasyon ng mga miyembro ng United Nations ang kailangan lalong lalo na sa mga batang nagugutom, nauuhaw, maysakit, walang sapat na edukasyon higit sa mga bansa sa Africa at Asya at sa iba pang mahihirap na bansa at sa mga bansang may digmaan tulad sa Syria at Yemen. Ganun na rin sa mga bansang nasasalanta ng bagyo at lindol sa Timog-Silangang Asya kasama ang Pilipinas at Indonesia at iba pang bansa o ang mga “sea migrants” o “boat refugees” na nakatawid mula sa Africa at Asya patungong Europa na walang mahanap na trabaho at makataong tirahan. Ilan lamang ito sa mga nagsisilbing hamon na naghahanap ng katugunan mula sa United Nations.
Sa pagtataguyod naman ng sustainable development, ay nanatiling malaking pagsubok pa rin sa UN na makamtan na tuluyan ang mga adhikain ng sustainable development tulad ng pagpawi sa kahirapan, pagbibigay ng sapat na edukasyon, madaming trabaho, sapat na pagkain, malinis na tubig, magandang kalusugan, malinis na kapaligiran, murang enerhiya at kuryente, pagrespeto sa karapatang pantao , kaligtasan ng buhay at katarungang panlipunan. Kailangan ng mga batas at programa na aayon sa international law hinggil sa sustainable development batay sa teorya at praktika ng United Nations Development Program at ng UN Economic and Social Council. Kailangan din ng UN ang suporta ng bawat bansa, pribadong korporasyon, global civil society at iba pang sektor ng lipunan na kung saan sa kanilang partisipasyon nakasalalay ang kaganapan ng sustainable development.
Panghuli, ay hamon din sa UN na siguraduhin na ang mga bawat bansa ay tumutupad sa mga international agreements treaties, protocols, summits at conventions, na ano mang paglabag dito ay mayroong kaukulang kaparusahan. Halimbawa na rito ang Kyoto Protocol at Rio Summit para sa kalikasan, Universal Declaration of Human rights para sa Karapatang Pantao, World Trade Organization at General Agreement on Tariff and Trade para sa ekonomiya, UN Convention on the Law of the Sea para sa Teritoryo at lalong lalo na sa UN Sustainable Development Goals 2030. Higit at ano pa man, ay pahalagahan at pasalamatan natin ang pagkakatatag ng ika-73 taon ng UN, dahil kung wala ito ay malamang na walang umiiral na kapayapaan, kalayaan, kaunlaran at kooperasyon ng mga pamilya ng mga bansa sa mundong nanalig, umaasa at nagmahahal sa isa’t isa. Mabuhay ang United Nations sa Ika-73 nitong taon!