Ni: Shane Elaiza E. Asidao
HYPERGLYCEMIA o high blood sugar ang ang kalimitang nagiging kondisyon ng isang tao kapag mataas ang lebel ng glucose sa kaniyang katawan.
Ayon sa certified dietitian-nutritionist na si Lisa Moskovitz, nakukuha ang glucose sa mga pagkain na may mataas na carbohydrates at sugar, sa mga pagkaing may mababang fat at fiber content gaya ng tinapay, soda, kendi o tsokolate.
Maaaring magdulot ng komplikasyon ang madalas na pagtaas ng lebel ng sugar sa katawan katulad ng diabetic coma o komplikasyon sa mata, bato, o puso kapag hindi agarang nalunasan.
Ngunit, anu-ano nga ba ang mga sintomas ng high blood sugar o hyperglycemia?
Ayon sa website ng www.self.com, ilan sa mga ito ay ang panghihina; panlalabo ng paningin at pagsakit ng ulo; palagiang pagka-uhaw; madalas na pag-ihi; pagsusuka; pagkahapo at abdominal pain.
Ipinapayo sa agad magpatingin sa doktor kapag nakaranas ng sintomas na ito.
Sa kabilang banda, upang malunasan ang hyperglycemia, kailangan magpasuri ng dugo upang malaman ang lebel ng sugar sa katawan at kumunsulta sa isang internist para maunawaan kung paano ito mapapanatiling balanse at kung anu-ano ang mga hakbang na kailangang gawin upang hindi na lumala pa ang nasabing sakit.
Ipinapayo rin ang regular na pag-eehersisyo, pag-inom ng gamot na preskribado ng isang lisensyadong doctor, at masusing obserbasyon ng iyong blood sugar level. Umiwas rin sa mga pagkain na may mataas na lebel ng sugar kasama na ang mga pagkain mula sa fast food chains na puno ng sugar at salt; sobrang pagkain ng kanin, mga matatamis, mga powdered or artificially sweetened juice, at softdrinks.
Panatilihing malusog ang sarili dahil ika nga: Ang kalusugan ay kayamanan.
Senyales na mataas ang sugar level picture caption: Ugaliing magpatingin sa doktor upang malaman ang lebel ng iyong ‘sugar’ sa katawan para masiguradong hindi ito tataas o bababa.