Ni: Ez Cunanan
MASARAP mamasyal ‘di ba? Iba ang pakiramdam ng nakakabyahe o nakakapamasyal sa iba’t ibang lugar. Pagod man ang katawan, kakaiba naman ang nadadala nito sa iyong personalidad dahil lumalawak ang iyong kaalaman.
Subalit sa pagbabyahe, pinaka-malaking balakid ang budget. Kung kapos ang budget, maraming limitasyon sa iyong pamamasyal. Ang itinerary ay hindi masusunod, sapagkat maaaring hindi magkasya ang inyong pinag-ipunan.
Huwag malungkot, dahil may mga lugar sa daigdig na maaari kang makapamasyal sa mababang halaga. Lubos na mahalaga lamang na may nalalamang background sa inyong pupuntahan. Kahit na kayo ay nagpaplanong gumamit ng travel agent, mainam pa rin na pag-aralang mabuti ang inyong byahe at huwag iasa lahat sa inyong ahente. Tandaan na ang inyong misyon ay sulitin ang byahe. Marapat lamang na kahit papaano, may personal kang kaalaman tungkol sa iyong pupuntahan upang ganap ngang masulit ang iyong puhunan.
Narito ang listahan ng ilang bansang maaaring puntahan sa maliit na budget at kayo’y tamang masisiyahan.
Zanzibar Island. Narinig n’yo na ba ang isla ng Zanzibar? Itong islang ito at ay bahagi ng Tanzania, sa kontinente ng Africa. Sa pangalan pa lang tunog mahal na ‘di ba? Subalit nagkakamali kayo. Mura ang pamamasyal sa islang ito. Mula sa Tanzania (nakatuntong ka na ng Africa, sa wakas) maaaring sumakay ng ferry boat papunta sa Zanzibar sa halagang 35-50 dollars lamang kada tao. Pagdating sa isla, maaari kang tumuloy sa ilang transcient-style airbnb sa halagang 40 dollars lamang kada gabi. Kung nagtitipid naman sa pagkain, marami silang street food! At yes, mayroon din po silang bersyon ng isaw na kamukha rin naman ng ating kinagisnan. Beach front na, may paddleboard at wind-surfing lessons pa na kasama.
Naples, Italy. Kung Italian vacation ang hanap at genuine na pizza ang gustong matikman, pumunta sa Naples. Ito ang gateway city ng Italy kung pupunta sa mga kilalang tourist destination tulad ng Amalfi Coast, Capri at Pompeii. Pero kung hanap lang ay experience ng bakasyon Italian style, Naples ang puntahan. Isa ito sa pinakamatandang siyudad sa Europa kaya naman kakakitaan ito ng mga cultural sights at monuments ng sinaunang Italian civilization, at kilala rin ito bilang birthplace ng kinagigiliwan ng lahat—ang pizza. Sa maniwala kayo o hindi, makakain ng paborito ninyong pizza sa lugar na ito sa halagang 5 dollars lamang. Ang neopolitan pizza-making sa lugar ay ginawaran din bilang isa sa UNESCO Intangible World Heritage destinations kaya’t anumang oras ay dadatnan ang paggagawa ng paborito ninyong pizza—the real Italian way.
Uzbekistan. Nais bang makabisita sa isang bansa na dati-rati ay nasasakupan ng Russia? Tara na sa Uzbekistan. Ang byahe rito ay maituturing na ultimate adventure sa mga nagnanais makapunta sa Central Asia. Halo ito ng Persian at Soviet influence, kakaiba ang dating ng kultura dito at huwag kakalimutang bisitahin ang mga relic at religious sites tulad ng Samarkand at Bukhara. Napakalawak din ng mga lupaing maaaring tayuan ng camping tent at matulog under the stars. Maaari ring tumira sa maraming hotel dito na below 100 dollars ang accommodation rate, at kung nais maglibot nang engrande, mura at sulit sa buong lugar, subukan ang booking company na tulad ng Kalpak Travel na isa sa mga travel experts sa rehiyong ito.
Phuket, Thailand. Hindi makukumpleto ang listahan ng ating budget tours kung wala ang Phuket sa Thailand. Hindi magpapahuli ang lugar na ito pagdating sa ganda ng ilang beach resort sa murang halaga. Highly recommended ang Andakira Hotel Patong bilang tutuluyan sa halagang 50 dollars lamang kada gabi. Sa pagtutuntong sa kabayanan ng Phuket, ay para na rin kayong pumunta sa Portugal. Maaari rin ninyong pasyalan ang Phi Phi Islands, sa halagang 30 dollars na boat trip, masusulit ang inyong dalawang oras na byahe sa ganda ng tanawin dito.
Oaxaca, Mexico. Kung Mexico naman ang nais pasyalan, bakit hindi subukan ang Oaxaca. Itinuturing itong isa sa pinaka-magandang travel destination sa Mexico subalit mura ang maglibot-libot sa lugar na ito. Andiyan ang mga lumang simbahang dinadayo, art galleries, cafeteria at huwag kakalimutang bisitahin ang Museum of Oaxacan Cultures—kung nais makita ang mga relics at golden treasures na nahukay sa Mont Alban. Huwag rin kalimutang bisitahin ang 20 de Noviembre market, kung nais makatikim ng piniritong tipaklong, iba’t ibang keso, tamales, tortilla at marami pang iba. Maaari ninyo rin kontakin ang Enjoy Oaxaca kung mas malawak pa na sight-seeing tour ang ninanais.
Komodo Islands, Indonesia. Adventure ba hanap mo? Kung byaheng pang thrill-seeker na katulad mo pero mura ang hanap, dito ka na sa Komodo Islands. Ito ang native home ng tinaguriang little-Godzilla na mga Komodo dragons. Kung nais silang makita, kinakailangang kumuha ng boat tour sa halagang 40 dollars lamang at malasin ang magagandang shoreline at maaari pang magkaroon ng pagkakataong lumangoy kasama ang mga wild manta rays—hindi ang mga komodo dragons. Huwag mag-alala pagdating sa pagkain, sapagkat sa Komodo Islands sa Indonesia, garantisadong mura ang mga pagkain.
Karpathos, Greece. Europe ba kamo, pero butas ang bulsa? Sa Karpathos tayo, sa bansang Greece. Bagama’t natatabunan ito sa kasikatan ng mga lugar na Santorini, Mykonos at Rhodes, ang isla ng Karpathos, hindi naman ito pahuhuli pagdating sa ganda at ang pinaka-mahalaga—mura ang paikot-ikot dito. Kung ancient ruins ang habol, tumungo lamang sa Aghia Anastasia at mas marami pang kaalaman, sa Archaelogical Museum ng isla. Maliban sa paghiga-higa sa mga white-sand beaches sa paligid, maaari rin kayong mag fishing, windsurfing, snorkeling, scuba diving at sailing—lahat ng ito pwedeng gawin sa isla ng mga Greco. Isa pang good news? Mura ang mga traditional Greek dishes sa lugar na ito.